2 Pinay na tumalon gusali sa Syria ligtas na

NASA pangangalaga na ng embahada ng Pilipinas sa Syria ang dalawang overseas Filipino worker (OFW) na napilitang tumalon sa tinutuluyang gusali upang makalabas sa magulong lungsod ng Homs.

Sa panayam kay Philippine Ambassador Ricardo Endaya, hawak na at kasalukuyang nagpapagaling sina Maricel Monteclaro at Shirley Antig habang inaasikaso ang mga papeles para makabalik ang mga ito sa Pilipinas.

Sinabi pa ni Endaya, ang tumatayong hepe ng Rapid Response Team (RRT), patuloy ang kanilang pagsundo sa mga naiipit na OFW sa mga magugulong lugar sa Syria.

Kabilang sa mga huling nailikas ng grupo ay ang 12 FW mula sa Homs, kasama na ang tatlong Household Service Workers (HSWs) na tumakas sa kanilang amo.

Gayunpaman, babalik pa rin ang RRT sa Homs upang hikayatin ang iba pang OFW na tumatangging pumaloob sa sapilitang pagpapalikas sa mga kababayan sa Syria.

Bukod sa pagpasok sa tinaguriang ‘no man’s land,’ nakikipag-usap din ang RRT sa mga employer upang hingin ang pahintulot ng mga amo upang ilipat na ang pangangalaga sa kamay ng mga opisyal ng embahada ang mga OFW, kasama na ang pagbabayad sa iiwang kontrata.

Nakikipag-usap din ang mga miyembro ng RRT sa immigration officials sa Damascus upang mabigyan ng travel document ang mga OFW at bayaran ang kaukulang kaparusahan, sang-ayon naman kay Foreign Affairs Assistant Secretary Raul Hernandez.

Inaasahang darating sa Piliipinas ang mga nailikas na OFW bago sumapit ang Mahal na Araw, dagdag pa ni Hernandez.

Sinabi naman nito na umaabot na sa mahigit 1,000 mula sa kabuuang 9,000 OFWs sa Syria ang pumaloob na sa sapilitang pagpapalikas na ipinatutupad ng pamahalaan.

Nanawagan din ang tagapagsalita ng kagawaran sa mga Pilipino na may kaanak na OFW sa Syria na makipagtulungan sa kanilang tanggapan upang malaman ang lokasyon ng mga kamag-anak sa Damascus at mailikas ang mga ito sa mas ligtas na lugar.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply