2 Pinay OFW sa Malaysia panalo sa kaso

ANIM na taong pagkakakulong ang iginawad ng korte sa Malaysia laban sa isang Singaporean national na napatunayang nang-abuso sa dalawang overseas Filipino worker (OFW), tatlong taon na ang nakararaan.

Sa ulat na ipinadala ng embahada ng Pilipinas sa Department of Foreign Affairs (DFA), sinabi ni Ambassador Ed Malaya na hinatulan ngayong araw ng Sessions Court sa Kuala Lumpur si Eugene Beng Hua Lim, alyas Alfred Lim sa kasong human trafficking.

Isinampa ng Attorney General ang kaso laban kay Lim,  batay sa reklamong inihain nina OFW Marilyn Bagsit at Marilou Capistrano noong Hulyo 2009.

Sa kanilang reklamo, sinabi nina Bagsit at Capistrano, kasama ang apat pang OFW, na dumanas sila ng emosyonal na pang-aabuso sa kamay ni Lim matapos takasan ang kanilang mga Malaysian employer dahil din sa pagmamaltrato.

Ayon sa mga OFW na pumasok bilang Household Service Worker (HSW), sa halip na damayan sila ni Lim na siyang nagdala sa kanila sa Malaysia, sermon at mga masasakit na salita ang kanilang natanggap sa Singaporean recruiter.

Anila, nagbanta pa ito na isasadlak sila sa prostitusyon upang mabawi ang ginastos sa kanila.

Tumakas ang mga Pilipina sa opisina ni Lim noong 2009 at nagtungo sa embahada saka nakipag-ugnayan sa pamahalaang Malaysia para masampahan ng kaso si Lim.

Pinasalamatan naman ni Malaya ang Malaysian government sa maagap nitong pagtulong sa mga OFW.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply