29 Pinoy seamen uuwi sa Pinas sa Biyernes

NAKATAKDA nang umuwi sa Biyernes (Marso 9) ang 29 sa 32 Filipino seamen matapos ang limang buwang pagkakaistranded sa isang daungan sa Egypt.

Ito ang kinupirma ni John Leonard Monterona, regional coordinator ng Migrante Middle East (M-ME) matapos silang abisuhan ng Sekur Manning Inc. na uuwi na sa Biyernes.

Ang mga uuwing manggagawang Pinoy ay sasakay ng Qatar Airways flight 515 mula Cairo hanggang Doha at flight 646 mula Doha patungong Manila ang mga naipit na Pinoy seamen sa Demiettaport, Egypt.

Nauna rito, humingi ng tulong ang isa sa mga seamen sa grupong Migrante kaugnay sa pagkakasadlak nila sa naturang pantalan ng hindi man lamang pinagkakalooban ng kaukulang sahod at benepisyo kaya’t wala silang maipadalang sustento sa kanilang pamilya.

Kaagad na lumiham ang grupong Migrante sa Sekur Manning Inc. na lokal na ahensiya ng mga seamen at inihayag ang problema ng mga Pinoy seafarers na karamihan ay tapos na ang kontrata subalit hindi pinapayagan ng punong tanggapan na pauwiin sa Pilipinas.

Ipinabatid din ng Migrante sa Philippine Overseas Employment Adminsitration (POEA) ang masaklap na sinapit ng mga Pinoy seamen kaya’t sinuspinde kaagad ni Atty. Carlos Cao na noon ay siya pang administrador ng ahensiya ang lisensiya ng Sekur Manning Inc.

Dahil dito, kaagad na inasikaso ng ahensiya ang problema ng mga Pinoy seamen na naging dahilan upang mapauwi na sa bansa ang 29 habang minabuti ng tatlo pa nilang kasamahan na tapusin muna ang kanilang kontrata bago tuluyang umuwi.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply