3 naghati-hati sa P19M lotto prize

TATLONG babae ang naghati-hati sa mahigit P19 milyon jackpot prize ng 6/42 lotto nang makuha nila ang tamang kombinasyon sa ginanap na draw noong Marso 3 sa tanggapan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa Pasay City.

Halos magkakasabay na kinubra kahapon (Marso 6) ng tatlong nagwagi ang tig-P6,517,030 matapos paghatian ang kabuuang premyong P19,551,096.00 mula sa tinamaang kombinasyong 41-23-33-22-05-42.

Kapuwa nasorpresa pa ang 52-anyos na biyuda na taga-Pasig at 37-anyos na dalagang taga-Parañaque na pamangkin naman ng namayapang asawa ng biyuda nang magkita sila sa tanggapan ni PCSO General Manager Jose Ferdinand Rojas II upang kubrahin ang napanalunang salapi.

Inihayag ng 52-anyos na biyuda na habang nakaratay sa banig ng karamdaman ang kanyang asawa, mahigpit nitong ibinilin na laging tayaan ang kanyang inaalagaang numero sa lotto na kinuha sa numero ng kapanganakan ng kanyang pamilya.

Ganito rin ang ibinilin ng lalaki sa kanyang 37-anyos na pamangkin na taga-Parañaque bago mamatay, na sinunod naman ng dalawa kaya’t nagresulta ito ng kapuwa pagkapanalo nila sa lotto.

Masaya pang nagyakapan ang dalawa nang iabot ni Rojas ang tsekeng kanilang napanalunan.

Kinubra na rin ng isang 43-anyos na vendor mula sa Pasig City ang napanalunang salapi na plano niyang ibili ng bahay at lupa at pangtustos sa pag-aaral ng nag-iisang anak.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply