4-anyos patay sa baha sa Capiz, 100 pamilya lumikas

TINATAYANG 100 pamilya ang pansamantalang tumutuloy ngayon sa dalawang evacuation centers sa bayan ng Pontevedra, Capiz habang isang 4-anyos naman ang napaulat na nasawi makaraang malunod dahil sa pagbaha bunsod ng walang tigil na malakas na ulan.

Nabatid na naglaan ng dalawang evacuation centers ang local government unit ng Pontevedra, matapos inilikas ang mga residente na pinasok ang bahay ng tubig-baha.

Ayon kay Esperidion Speed Pelaez, action officer ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), nasa Donya Victoria Elementary School ang 70 pamilya habang ang 30 pamilya naman ay nasa Civic Center ng nasabing bayan.

Patuloy naman na tumataas ang bilang ng mga barangay na apektado ng pagbaha sa Capiz kung saan sa latest report ng PDRRMC, umabot na sa 116 na barangay sa 13 bayan ang lubog sa tubig-baha.

Matinding naapektuhan ang bayan ng Mambusao na may 26 na barangay, 16 sa Sigma, 15 sa Panit-an, 10 sa Dumarao at Panay, walo sa Pilar, nasa pito sa Maayon at Dao, anim naman sa Cuartero, tatlo sa Sapian at dalawa sa Dumalag.

Hindi na rin magaanan ang ilang mga kalsada dahil sa umapaw na ilog.

Maraming mga pasahero rin ang stranded sa Barangay Agkilo, Panit-an kung saan gumagamit na lamang ng bangka ang mga biyahero na gustong tumawid papuntang Roxas City.

Samantala isang apat na taong gulang na bata ang nalunod sa ilog sa Barangay Poblacion Ilawod, Cuartero, Capiz.

Base sa inisyal na report, naglalaro si Katlyn nang ito ay mahulog at malunod habang naglalaba ang kanyang ina.

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply