43 pasahero nailigtas sa nasunog na RORO

NAGKAROON ng tensiyon ang mga pasahero ng isang Roll-On-Roll-Off (RORO) matapos na sumiklab ang sunog sa MV Cebu Ferry 1 sa Matoco Point Verde Island Batangas kaninang umaga, iniulat ng Philippine Coast Guard.

Ayon sa report ng PCG, ligtas naman ang may 43 pasahero at kaninang tanghali ay idineklarang fire-out ang naturang sunog.

Nailipat naman agad ang mga pasahero sa MV Supercat-38 na kasalukuyang nasa nabanggit na lugar nang maganap ang insidente.

Lumitaw sa ulat ng PCG, ang nasabing RORO ay umalis sa Batangas Pier dakong alas-8:00 ng umaga kahapon patungo sa Caticlan.

Agad namang nagtungo ang PCG Tug Boat 271 at PCG Craft DF 310 upang magsagawa ng operation habang ang PCG Islander 251 ay nagtungo din sa pinangyarihan ng insidente upang magsagawa naman ng aerial search at upang magbigay ng tulong.

Maging ang barko na Malayan Towage, Montenegro Shipping Lines at Besta Shipping Lines ay tumulong din sa insidente.

Inatasan naman ng Department of Transportation and Communications ang PCG na gumawa ng aksyon upang masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero ng mga barko.

Samantala, dalawang barko ang nagbanggaan matapos na hampasin ng malakas na hangin sa Bacalod port, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).

Sinabi ni Coast Guard Station (CGS) Bacolod, nakatanggap umano ng report mula kay Capt. Alvin Pasaporte Aragon, ng MV Lety, na nakadaong umano ang kanilang barko sa Bredco Port, Bacolod City nang mabangga ito ng LCT Sarah.

Ayon sa ulat ng PCG, dadaong ang LCT Sarah sa nasabing port nang tangayon umano ng malakas na hangin at tamaan ang MV Lety na naging sanhi ng pagka-crack ng huli.

Ang kapitan ng MV Lety ay nag-file ng marine protest at humingi ng clearance sa PCG para sa kaukulang aksyon.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply