6 utas sa shootout sa Davao del Norte

ANIM katao kabilang ang isang pulis at dalawang holdaper ang namatay matapos holdapin ang establisimiyento na pag-aari ng negosyanteng Filipino Chinese sa Panabo City, Davao del Norte ngayong hapon.

Ayon kay Panabo City Police Director Supt. Marvin Manuel Pepino, isa sa mga namatay ay ang chief ng Intelligence Unit ng kanilang himpilan na si Senior Inspector Rene Alampay, napuruhan ng tama ng bala sa ulo sa kasagsagan ng shootout.

Kabilang din sa mga napatay ay ang dalawang holdaper, isa rito ay kinilalang si Dexter Marcellones, ang guard na si Edgard Mocos ng Yidong Agricultural Supply na pag-aari ng negosyanteng Filipino Chinese na si Leo Apali Lai, 28 at driver na si Allan Jones Polo, habang inaalam pa ang pangalan ng babaeng biktima.

Isinugod naman sa Rivera Hospital ang sugatang si Darios Pilotos, warehouseman ni Lai.

Ani Pepino, bandang alas-12:15 ng tanghali nang mangyari ang insidente nang pasukin ng motorcycle riding in tandem ang Yidong Agricultural Supply at agad binaril ang guwardiya na siya nitong ikinamatay sa Brgy. Cagangohan, nasabing lungsod.

Nadamay naman sa insidente ang isang babae na bisita sa establisimiyento sa pamamaril ng mga suspek.

Agad namang rumesponde ang operatiba ng pulisya kung saan hinabol ang mga suspek na noon ay papatakas  na pero agad ding nagpaputok ang mga huli na nagresulta sa mainitang palitan ng putok ng magkabilang panig.

Sa kasagsagan ng putukan ay napatay ang dalawang suspek at nasamsam mula sa kanila ang dalawang caliber .45 pistol.

Nabawi rin ang P900,000 na ninakaw ng mga suspek.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply