Aklasang bayan vs oil price hike ikinasa

NANAWAGAN ngayon ang Communist Party of the Philippines (CPP) sa taumbayan na lumahok sa gaganaping malakihang kilos-protesta sa Marso 15 upang tutulan ang sunud-sunod na pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo sa bansa.

Sa isang kalatas, hinikayat din ang mamamayan na sumama sa kampanya upang hilingin sa mga mambabatas na amyendahan na ang oil deregulation law dahil ito umano ang nagbibigay ng sandata sa mga malalaking kumpanya ng langis na walang pakundangang itaas ang presyo ng inilalakong langis sa merkado.

Inilabas ng partidong hinihinalang pinamumunuan ni Jose Maria Sison ang pahayag matapos ang ikawalong sunod na pagtataas ng presyo ng produktong petrolyo, kabilang na ang liquefied petroleum gas (LPG). Umabot sa P50 kada litro ang presyo ng diesal habang sumirit naman sa P900 ang bawat 11-kilogram na tangke ng LPG sa merkado.

Ayon sa kilusan, walang pakinabang sa mamamayan ang oil deregulation law dahil tanging ang pamahalaang Aquino lamang ang nagtatamasa sa patuloy na pagsirit ng presyo ng langis mula sa nakukuhang mataas na buwis at nagbigay pahintulot sa mga oil firm na itakda sa mas mataas ang presyo ng produktong petrolyo.

“These foreign giants which control the entire international oil industry are wringing the people dry and lining their pockets with billions of dollars in superprofits,” pahayag pa ng CPP.

Sinabi pa ng partido na umabot sa US$136.8 bilyon ang kinita noong isang taon ng limang kumpanya ng langis sa buong mundo, kabilang na ang Exxon Mobil. Royal Dutch Shell Company, Chevron-Texaco, British Petroleum at Total Petroleum.

Sa mga nasabing kumpanya, ang Shell, Chevron at Total ay may mga itinayong gasoline station sa Pilipinas.

Anila, kontrolado ng limang kumpanya ang pagmimina at pagproseso ng langis, pamamahagi at pagbebenta nito, habang nakasandal lamang ang mga tinaguriang small-players sa ipinamamahagi na supply ng mga dambuhalang kumpanya ng langis. Freddie Cortez

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply