Aksidenteng tagumpay

SINO ang mag-aakala na sa minsang pagkakaaksidente magsisimula ang tagumpay na tinatamasa ngayon ng Filipinang si Felita Torres?

Tubong Ilocos Sur si Felita Torres. Doon siya isinilang at lumaki. Dahil hindi sinuwerteng mapabilang sa angkan ng mga  mayayaman at dahil na rin sa naranasang kahirapan, ninais niya na makaahon mula sa kalagayan na kanyang kinalulugmukan.

Nagdesisyon siyang mangibang bayan upang takasan ang kahirapan na kanyang dinaranas.

Taong 1986, kasabay ng pakikibaka ng mga Filipino para sa demokrasya ay hinarap ni Felita ang sarili niyang laban sa buhay sa bansang Malaysia.

Pumasok siya roon bilang isang domestic helper o DH. Doon ay naranasan niya ang iba’t ibang klase ng pagsubok. Gaya ng pag-titiis sa kalungkutan at labis na pangungulila sa pamilyang iniwan sa Pilpinas.

Naranasan din niya ang hirap ng trabaho kapalit ang kakarampot na suweldo. Ayon sa kanya iniiwa-nan at ikinukulong siya ng kanyang amo sa bahay kasama ang dalawang taong gulang na batang kan-yang inaalagaan, nang wala man lamang iniiwanang pagkain para sa kanya.

Sa kabila ng pagkalam ng tiyan ay kinakailangan pa ring gampanan ni Felita ang kanyang mga tungkulin gaya ng paglalaba at pag-aalaga ng bata. Dahil sa hindi makataong trato at hirap na tinitiis, hindi nagtagal sa kanyang pinapasukan si Felita.

Ngunit sa kabila ng kanyang pinagdaanan, pinili niya na manatili sa Malaysia at ipagpatuloy ang kanyang pakikibaka at pakikipagsapalaran doon. Sapagkat ayon sa kanya ay marami siyang naiwang utang sa Pilipinas.

Pinalad siya na muling makahanap ng trabaho nang minsang may isang DH na nagreklamo sa agency nila sapagkat masyadong makukulit ang mga batang kanyang inaalagaan. Siya ang pumalit sa nasabing DH.

Tumagal ng halos labing-isang taon si Felita sa kanyang pangalawang amo.

Hanggang sa isang aksidente ang naglagay sa kanya sa bingit ng kamatayan ang naganap.

Bumangga ang sasakyang kinalululanan ni Felita kasama ang kanyang mga amo sa isang poste ng ilaw na naging sanhi ng pagkasawi ng kanyang among lalaki at pagkasira ng mukha ng kanyang inaalagaang bata.

Ang aksidenteng ito ang naging dahilan upang matagpuan ni Felita ang kanyang asawa sa katauhan ng isa niyang kaibigan na nagboluntaryong alagaan siya, sapagkat hindi niya magamit ng normal ang kanyang mga paa dahil sa nangyaring aksidente.

Sa kabila nito hindi siya nawalan ng loob at sumuko. Naisipan niyang magtayo ng isang negosyo upang kahit papaano ay kumita ng pera.

Nagsimula siya sa pagbebenta ng maliliit na bagay gaya ng relo, na nang lumaon ay nadagdagan hanggang sa lumaki at maging matagumpay ang kanyang negosyo.

Nakapagpatayo siya ng sarili niyang puwesto.

Dahil sa patuloy na pagsisikap at pagtitiyaga ang kanyang negosyo ay lumaki at nadagdagan at sa kasalukuyan nga ay mayroon na rin siyang restaurant, salon at maging coffee shop.

Maaaring sa isang aksidente nagsimula ang kanyang tagumpay, subalit para kay Felita ang lahat ng ito ay bunga ng kanyang labis na pagtitiis at pagsisikap upang makaahon sa kahirapan na minsan niyang kinasadlakan.

Tunay nga na sa buhay ng tao ay walang nangyayari ng bigla o basta na, ang lahat ng  tagumpay ay bunga ng matinding dedikasyon, pagsisikap, tiyaga at bunga na rin ng kapahintulutan ng Maykapal- For everything happens for a reason and nothing happens accidentally.

*******

Sa iba pang istorya ng buhay ng ating mga kababayan overseas, tumutok lamang sa Biyaheng Langit at Kasangga Mo Ang Langit sa IBC13 tuwing Huwebes, 11:30 ng gabi. Bisitahin ang Facebook fan page: BIYAHENG LANGIT/KASANGGA MO ANG LANGIT.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply