Ampatuan Sr. babasahan na ng demanda at ang blackout

BABASAHAN na ng demandang murder si Andal Ampatuan Sr. kaugnay ng Maguindanao massacre.

Nasa 57 na kasong murder ang isasampa sa akusadong ito batay sa bilang na 57 na biktima ng masaker noong Nobyembre 23, 2009.

Kung matatapos ang preliminary investigation ukol kay Reynaldo Momay na reporter ng Midland Review at maitatag ang katotohanang isa siya sa mga biktima, magiging 58 na ang kasong kahaharapin ni Ampatuan Sr. at iba pang akusado, kabilang na si Andal Ampatuan Jr. at Zaldy Ampatuan na pawang anak ni Ampatuan Sr.

KASAMA SA 196 AKUSADO

Maisasama na si Ampatuan Sr. sa 196 na kinasuhan bagama’t 96 pa lamang ang arestado.

Alam naman natin na ang nasa 100 katao ay pawang mga tauhan ng mga Ampatuan at nagtatago pa.

‘Yung iba sa mga ito ay paisa-isang nahuhuli habang sumasama ang mga ito sa mga itinatayo ng militar na CAFGU at iba pang grupong ipinanlalaban sa mga rebelde sa Mindanao.

At sa kabuuang bilang ng mga akusado, sinasabing nasa 35 katao lang ang principal accused, kabilang na ang mga pulis na nagsagawa ng mga checkpoint para maakay ang mga biktima na pumunta sa massacre site sa bayan ng Ampatuan.

Pero maaaring madaragdagan pa ang kanilang bilang habang sinusuri ang partisipasyon sa massacre ng lahat ng akusado.

5 TAON MAGIGING 18-20 TAON

Kahit papaano, matitighaw nang kaunti ang pagkauhaw sa katarungan ng lahat ng biktima, kasama na ang nasa 33 na mediamen.

Magkagayunman, wala pa ring katiyakan ang lahat sa kinabukasan ng kaso.

Napakabagal ang pag-usad ng kaso.

Maaaring abutin ang paglilitis sa Regional Trial Court lang ng 18-20 taon.

Magiging kasintagal ng paglilitis ang kabuuang panahon ng pagresolba ng Vizconde massacre mula sa RTC hanggang sa Korte Suprema.

40 TAONG KASO

Dahil tiyak na aabot sa Korte Suprema ang kaso, maaaring hindi lang siyam-siyam ang pagdedesisyon sa kaso.

Baka aabot ang kaso mula sa RTC hanggang sa Korte Suprema sa 40 taon, ang kabuuang panahon ng pagkabilanggo ng convict kahit patong-patong pa ang mga kasong murder laban dito.

At kung mangyari ito, maaaring may mga patay na sa mga akusado.

NAKATATAKOT NA PANGYAYARI

Ngunit higit na nakababahala ang maaaring maganap habang lumalakad ang mga kaso sa mga hukuman.

Una, maaaring may aatras sa mga testigo sa iba’t ibang kadahilanan, kabilang na ang pagtanggap na lang ng malaking halaga kapalit ng buhay ng mga minasaker.

Ikalawa, sa tagal ng panahon ng paglilitis hanggang sa pinal na desisyon ng Korte Suprema, maaaring may mga papatayin sa mga testigo.

Ikatlo, sa pagpapalit-palit ng mga huwes na hahawak sa kaso, may magiging malabnaw na mga desisyon.

Ikaapat, maaaring magkaroon ng papel ang pulitika.

Kung maigting ang panawagan ng mga pulitiko para sa katarungan sa mga araw na ito, hindi kaya magkaroon ng pagbabago makaraang mawala na sa puwesto si PNoy, halimbawa?

Ikalima, maaaring magkaroon ng mga executive clemency sa ilan o sa lahat ng mga akusado. At kung magaganap ito, hindi kaya magpapatuloy ang mga gantihan makaraang makalaya ang ilan sa mga akusado?

BASTA MAY KATARUNGAN

Bagama’t may mga pangamba o nakatatakot na pangitain sa mga darating na araw, siguro maganda nang umasa muna na mananaig din ang katarungan sa mga darating na taon.

Ang deklarasyon ng pagkakasala ng mga akusado sa RTC makaraan halimbawa ng 18-20 taong paglilitis ay magbubunga ng magandang balita.

Ito’y dahil sa tiyak na magtatagal sa kulungan ang mga akusado o convict.

At kung dire-diretso ang pagkakulong ng mga ito sa 40  taon bilang parusa na itinatakda ng batas para sa multiple murder, kahit papaano, nakatitiyak tayo ng 40 taong wala o bawas na gantihan.

Matagal-tagal na rin ang 40 taong pagkakaroon ng katahimikan sa pagitan ng mga biktima at akusado.

BLACKOUT AT BROWNOUT

Mayroon nang naranasang paghinto ng paglipad ng eroplano sa Mindanao dahil sa mga blackout at brownout sa lugar.

Dahil sa kawalan ng kuryente, walang ilaw ang mga runway ng paliparan kaya delikado ang pagbaba o paglipad ng mga eroplano.

Bukod dito, maraming pagawaan at opisina ang biglang humihinto nang matagal.

Maging ang buhay ng mamamayan ay patay-sindi rin dahil sa malawakang blackout at brownout.

Ang mga ospital ay nadaramay na rin kaya may mga operasyon at panggagamot na hindi natutuloy o nagiging delikado sa kawalan ng kuryente.

Pati ang trapiko ay nagkakabuhol-buhol dahil sa kawalan ng ilaw.

Ang mga pagkain at gamit na napatatagal ang buhay ng kuryente ay nasisira rin.

Marami ring hanapbuhay ang basta na lang humihinto at nasisira.

Ganito katindi, mga Bro ang ibinubunga ng blackout at brownout sa malawak na bahagi ng Mindanao sa labis umanong kakulangan ng kuryente.

PNOY, PATULONG

Pangulong Noynoy, pakiaksyunan nang mabilis ang problema sa kuryente sa Mindanao.

Milyon-milyong katao na ang naririndi sa blackout at brownout.

oOo

Anomang reklamo o puna ay itawag o i-text sa 09214303333.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply