Anomalya sa LRT silipin

KAHIT nagbitiw na sa puwesto ay mukhang maraming problemang kailangang ayusin si dating Light Rail Transit Administrator Raffy Rodriguez.

Unti-unti na kasing nagsusulputan ang mga grupo at mga indibidwal na nagsisiwalat ng mga kabulastugan na pinagagawa umano niya sa ahensya habang siya pa ang namumuno rito.

Katunayan ay nananawagan ang mga empleyado ng LRTA  kay Transportation Secretary Mar Roxas na imbestigahan ang ilang kontratang pinasok ni Rodriguez na ayon sa kanila ay maanomalya at maaring ikalugi ng gobyerno.

Malakas kasi ang bulung-bulungan sa LRTA na iisang grupo na kilalang kaalyado niya ang pinaboran niya sa maraming mga kontrata na pinasok ng LRTA.

Mula sa pagbili ng piyesa ng mga bagon o coach ng tren at maging sa paglalagay ng mga advertising billboard sa mga train station ay mukhang iisang grupo raw ang nakakuha ng mga kontrata at kumita nang husto mula sa mga ito.

Gusto rin nilang imbestigahan ang pagkuha ni Rodriguez ng 37 nang mga sinasabi nilang “overpaid” na consultant na anila ay dahilan kung bakit mas dumami pa at naging madalas ang pagkasira ng mga tren.

Isa lang anila sa 37 consultants ang marunong sa train management at karamihan na sa mga ito ay pawang mga political appointee na resulta ng political accommodation.

Kinukuwestiyon din nila ang ginawang pagbili ni Rodriguez ng P80 milyon halaga ng close-circuit television na hindi kasama sa LRTA budget para sa taong ito.

Idinagdag ng ating impormante na ito ang dahilan kung bakit nadiskaril ang plano ng LRTA na magsagawa ng repair ngayong Mahal na Araw dahil mas bibigyan prayoridad ang pagkakabit ng CCTV keysa sa pagri-repair ng mga bagon.

Naubos na rin umano kasi ang budget ng LRTA para sa repair dahil ibinili na nang CCTV camera.

Kung totoo ang mga bintang na ito ay mukhang maraming dapat ipaliwanag si Administrator Rodriguez at kailangan din namang aksyunan ni Sec. Roxas ang mga reklamo para di naman siya mapagbintangan na may kinikilingan at kinakampihan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply