Anti-epal sa eskwelahan at pagsasara ng STI College Olongapo

PINAKAMAHIRAP na bahagi ng programa sa graduation sa mga paaralan ang makinig sa mga pulitikong umeepal sa mga estudyante, guro, magulang at nanonood na madlang bayan.

Inspirasyon daw pero kalimitan, sa haba ng kadadada, naiinip at nabubuwisit na ang mga estudyante, guro, magulang at madlang bayan.

Pwede namang pagtiyagaan ang haba ng dada kahit alam natin na ito ay bola. Kasi, malimit ang kanilang sinasabi ay sinaliksik din naman at isinulat ng mga taga-PR para kahit papaano ay may laman ang talumpati ng mga tawag ng ating kuyang Nelson ay pulpulitiko.

Ang hindi natin dapat pagtiyagaan at Ito Ang Totoo: ang pamimigay ng mga medalya, tropeo at iba pa, na malimit ay may mukha nila, pero ang ginastos sa pagpapagawa at pambili ay galing naman sa kaban ng bayan.

Kung gusto nilang mamigay at sa tingin nila sila ay pwedeng maging gabay ng mga mag-aaral, aba’y gastusan na lang nila ng sariling pera na galing sa sariling bulsa.

Kaya itong panukalang batas na Anti-Epal, dapat palawigin pa para isama na ang mga gawi sa eskuwela ng mga pulitikong gagawin ang lahat, manalo lang sa halalan.

***

Neither confirm nor deny ang kausap natin sa teleponong public relations officer na isang Ms. Merona kaugnay ng pagsasara ng STI College Olongapo.

Ibig sabihin, magsasara nga, Ito Ang Totoo.

Ayon sa reklamo sa atin ng mga magulang na nagsusumikap kumayod para kumita ng perang pambayad sa naturang eskuwelahan, hanggang ngayong Marso 2012 na lamang ito.

Ang malungkot nito, ang mga magse-second year, third year at fourth year college ay kailangang lumipat na mula sa Olonga-po tungo sa STI sa Pampanga at STI Balanga, Bataan.

Napakalaking pahirap ito sa mga mag-aaral. Mahaba na ang biyahe, nakasalang pa sa panganib sa kalye bukod sa karagdagang gastos sa baon at pamasahe.

Gusto nating makipag-ugnayan sa pamunuan ng STI Olongapo pero payo ni Ms. Merona, sumulat muna. Sabi natin mag-e-email tayo pero dagdag na payo niya, maige nang ipa-deliver na lang sa mauutusan ang sulat.

Katwiran niya: baka hindi mabuksan ang Email. Anak ng asong kalye na-man! STI ang eskuwelahan na computer at internet ang pangunahing kursong iniyayabang sa bayan, hindi reliable sa email pa lang? Ito Ang Totoo: Kung ganyan ng ganyan, aba’y dapat ngang magsara na iyan.

Concern lang natin ay iyong mga mag-aaral na maaapektuhan.

Commission on Higher Education o CHED, pakitingnan naman nang malaliman itong sitwasyon sa STI College sa Olongapo City. Ano ba iyan? Para namang dehado ang taumbayan, partikular ang mga mag-aaral, sa nangyayari ngayon diyan. Ito Ang Totoo.

***

Ipaabot sa Ito Ang Totoo sa pamamagitan ng txt ang inyong mga mensahe sa cp no. 09994001162 o sa Facebookhttp://www.facebook.com/pages/Ito-Ang-Totoo-Remate/143876209055760

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply