Attorney

MAY nabasa ako kamakailan na isang judge ang idinemanda na maaalis sa pagiging hukom dahil sa pag-amin nito na isa siyang bakla. Ngunit hindi sumang-ayon ang Korte Suprema at sinabi nito na ang pagiging bakla ay hindi imoral.

Sa pahayagan ko lang nabasa ang report na ito kaya hindi ko alam ang buong paliwanag kung bakit ang pagiging bakla ay hindi pagiging imoral. Ganoon pa man ay sang-ayon ako sa desisyon.

Hangga’t ang judge na iyon ay hindi ibinibilad ang kanyang kabaklaan at maayos niyang ginagampanan ang pagiging Hukom ay walang basehan ang tangkang pagtanggal sa kanya sa puwesto.

Ngunit may mga ibang kaso na sa sukatan ng moralidad sa lipunan ay mali at maituturing na imoral. Katulad ng pagkakaroon ng anak sa labas ng sinumpaang kasal o kaya naman ay ang pakikipagtalik sa iba.

Noong estudyante pa kami ay may subject kaming Legal Ethics at pinag-aralan namin ang napakaraming kaso ng mga abogado na idinemanda para matanggalan ng lisensya dahil sa pagiging imoral.

Noon pa man ay sobrang liberal na ang pananaw ko rito dahil sa may mga kilala akong abogado na malalapit sa akin at ang iba nga ay tanyag sa propesyon na may mga ralasyong iba.

Itinanong ko sa aking propesor, “Paano mam, kung talaga namang hindi masaya ang abogado sa kanyang buhay at talaga namang nagmamahalan sila. Hindi po ba depensa ang pag-ibig?”

Natawa ang propesor at mga kaklase ko. At sagot ni Ma’am sa akin ay “May mga desisyon na ng Korte Suprema tungkol diyan. Hindi depensa ang pag-ibig, iho.

Eh di magpa-annul muna siya sa kasal. Maliwanag ang Canon of Ethics ng mga abogado,” dagdag pa ni Ma’am noon na kakakasal pa lamang. Nakatatawa nga at noong kumuha ako ng BAR exam, matataas ang grado ko sa mga subject liban lang sa Legal Ethics.

Isinulat ko ito nang may balita na ilalabas na ang resulta ng BAR exams. Isang mahirap at malupit na pagsusulit na dapat ipasa para maging ganap na abogado.

Ilang porsyento lamang ang pumapasa dito.

Kapag pumasa sa BAR exams ay napakasaya ng examinee at kanyang mga magulang, kamag-anak at kaibigan. Kapag bumagsak naman ay napakalungkot at sisikapin mo na muli kang bumangon at mag-BAR ulit.

Sa paglipas ng panahon marami akong kilala na nagtagumpay. Ang iba naman ay kailangang umulit. Ito ang nakalulungkot sa ilang hindi na pumasa ng BAR: kinalimutan na ang pangarap na maging abogado.

Sa mga bagong abogado, binabati ko kayo sa inyong tagumpay. Binabati ko ang inyong mga magulang at mahal sa buhay. Nawa’y magamit niyo ang inyong propesyon para maitaguyod ang hustisya sa lahat ng pagkakataon nang walang takot o bahid ng suhol kanino man.
Flashback muli tayo, nagkaroon ng pagakataon na muli ko makita ang propesor ko na pinagtanungan ko tungkol sa pag-ibig bilang depensa. Abogado na ako noon kaya naman natutuwa siya na ang pinakapilyo niyang estudyante ay naging abogado rin. Kinamusta niya ako bilang abogado at sabi ko, “Ma’am mahirap maging abogado pero mas mahirap manatili bilang abogado.” Nangiti lang si Ma’am sa sagot ko sa kanya. “Well, minsan naalala ko yun tanong mo sa akin noon sa klase. Naisip ko na baka nga bilang abogado, mahirap natin mahanap ang pagiging masaya.” Bago kami maghiwalay ay nagpalitan kami ng calling card at napansin ko na gamit niya muli ang apelyido niya ng dalaga pa siya.

Sa mga bagong pasa ng BAR exams, CONGRATULATIONS MGA PAÑERO AT PAÑERA! GOD BLESS!

* * * * *

Happy birthday kila Dado Villa ng Santol. Noel Aquino ng Botocan at Tonito Calma ng Don Manuel. Pagbati rin sa isang matalik na kaibigan na si Susan Dimalanta, barkada natin sa Galas si Larry Yuson at pinsan ko na si Ino Amparo ng pinagkaisahan.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply