B.A.O.M. kaya bang pagtagumpayin?

UNA sa lahat, ano na nga ba ang BAOM?

Ang ibig sabihin nito ay Buy As One Movement o BAOM, na isang nakakasang programa ng 1-UTAK party-list group, kung saan ang TRANSPORTER ay isa sa mga kasapi nito.

Ang BAOM ay bahagi ng tinatawag nating “economic activism,” ang aktibong pag-boykot sa mga mapang-abusong negosyo at pagtangkilik sa mga produktong patas ang presyo.

May dalawa tayong sandata upang maging matagumpay ang nabanggit na programa:

Una, ang ating bilang, ang pangalawa ay pagkakaisa.

Ang una ay naroroon na; ang pangalawa ay napatunayan na rin natin ngunit nangangailangan pa ng kaunting pagsisikap upang mapalakas, lalo na’t bago at hindi pa nakasasanayan ang ganitong programa.

Ang programa ay isasakatuparan ng buong network ng 1-UTAK, ngunit para sa kolum na ito, mga ‘tol, ay magpo-focus lamang muna ako sa ating samahan, ang TRANSPORTER.

Sinabi natin sa itaas na tayo ay may bilang na. Ang TRANSPORTER, halimbawa, ay may 105,000 kasapi, maliban pa sa hindi naman kasapi ngunit naiimpluwensyahang indibiduwal at grupo.

Kaya’t ang bilang na nabanggit ay maaaring i-multiply ng dalawa o tatlo.

Halimbawa, magpasya ang ating grupo na iisang brand ng gulong lamang ang bibilhin ng lahat ng 105,000 na miyembro ng TRANSPORTER (at makikiisa pa ang mga indibiduwal at grupong impluwensyado), hindi kaya umaray ang mga kalabang brand?

‘Yan ang esensya ng economic activism.

Sa isyu naman ng pagkakaisa, aminado tayo, mga ‘tol, na mahirap ang komunikasyon lalo na sa tulad ng TRANSPORTER na ang mga miyembro ay nakakalat sa buong bansa.

Kaya nga’t mahalaga sa atin ang mass media (hiwalay pa ang malalimang edukasyon tulad ng seminars) upang mabilis na kumalat ang mga impormasyon, tulad ng pagpapaalam kung ano-anong produkto ang ating tatangkilikin.

Diyan pumapapel ang dyaryong ito, ang Remate, at ang malapit nang ilabas na lingguhang pahayagan kung saan ay dumadaloy ang mga aralin at kaalaman na mahahalaga sa ating grupo.

Sa pamamagitan ng mga ito, hindi malayo ang kaliwanagang magtatagumpay ang Buy As One Movement.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply