Bakit naging isang team ang pamunuan ng Navy?

SA LOOB ng mahabang panahon, nakagawian na ng pamunuan ng inyong Hukbong Dagat na tawaging Command Team ang kanyang pamunuan. Para sa Command Team, tinatanaw na napaka-importante ang teamwork upang maging maayos, ganap at epektibong magampanan ng pamunuan at ng lahat ng mga unit ng Navy ang kani-kaniyang mga tungkulin.

Marahil ay hindi kaila sa ating lahat na ang teamwork na nakikita sa isang koponan ng mga manlalaro halimbawa, ang siyang tinuturing na susi sa tagumpay nito. Ang samahan ng isang koponan na parang iisang tao lamang ang nagbibigay dito ng lakas, tatag at husay upang malampasan ang lahat ng paghamon at bantang hinaharap nito.

Tulad sa pamunuan ng Navy, ang teamwork nito ang siyang nagbibigay dito ng lakas ng loob, tatag ng paninindigan, at husay ng pag-iisip. Mahalaga ang mga ito upang harapin nang maayos, ganap at epektibo ang lahat ng pagsubok at banta di lamang sa hukbo bilang isang organisasyon kundi bilang tagapagtanggol ng malawak, mapanganib at mayamang karagatan ng Pilipinas.

Buo sa kaisipan at kalooban ng bawat tauhan ng inyong Hukbong Dagat na ang teamwork ay susi sa matagumpay na operasyon nito sa panahon man ng katahimikan o sakuna.

Ang teamwork para sa pamunuan ng Navy na binuo at pinag-unlad sa pamamagitan ng matagal at masalimuot na proseso ay masusing ipinatutupad, patuloy na pinag-aaralan at maingat na nirerebisa kung kinakailangan upang higit pang mapaayos at mapaunlad ng mga susunod na henerasyon ng pamunuan nito.

Subalit hindi rin nawawala sa kaisipan at kalooban ng inyong Navy na ang kanyang tagumpay ay nakasalalay di lamang sa teamwork ng kanyang Command Team kundi higit sa lahat sa teamwork ng pamunuan nito at ng sambayanang Filipino – sa anomang sektor ng lipunang Pinoy.

Naniniwala ang Navy na tanging sa pakikipagtulungan, kooperasyon at pakikiisa sa buong sambayanan ng Pilipinas lang matatamo ang isang tunay na masagana at mapayapang karagatan para sa lahat ng Filipino. Naniniwala ang pamunuan ng Navy na sa tulong ng mga kapatid na Pinoy, kakayanin natin ito!

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply