Bangko na walang CCTV hindi bibigyan ng permit

HINDI makakukuha ng Mayor’s permit at business permit ang mga bangko na hindi maglalagay ng Close circuit Television (CCTV) sa Pasay.

Ang kautusan ay batay sa naipasang ordinance no. 4154-S2008 na iniakda nina Councilors Richard Advincula at Grace Santos na naglalayong maprotektahan sa masasamang elemento ang bawat bangko sa mga holdaper.

Nakasaad sa ordinansa na ang surveillance camera ay mabisang kagamitan para madaling madakip ang mga armadong holdaper na nanghoholdap sa bangko.

Ang camera recordings ay makatutulong upang kilalanin ang kriminal at magsisilbing basehan sa korte upang maipakulong ang suspek sa nagawang krimen.

Nakasaad din sa Section 2 ng ordinansa na kinakailangan mai-preserve ang camera recording sa loob ng isang taon simula nang maaprubahan ang ordinansa.

Ang bawat bangko na hindi sussunod sa probisyon ng ipinasang ordinansa ay pagmumultahin ng P1,000 bawat araw hanggang sa araw na makapaglagay ang mga ito ng CCTV sa loob at labas ng establisimiyento, at P5,000 naman sa lalabag sa section 2 ng naturang ordinansa.

Ang mga bangko na hindi tumupad sa pinaiiral na ordinansa ay hindi pahihintulutang makakuha ng Mayor at Business permit.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply