Bantayan ang galit ni Juan

SABI ni PNoy, mayroon umanong gustong magpababa sa kanya sa pu-westo kaya nagsumbong siya kay Juan kaagad.

May mga atat na atat umanong bumalik sa poder para muling mangorap at magnakaw. Hindi naman inginuso ni PNoy kung sino-sino ang mga iyon.

Nagtataka nga lang tayo na may nagugulat na mga Presidential Security Group na hindi yata nasabihan ukol dito kaya nasabi nilang “wala kaming nalalaman.”

Eniwey, Suki, totoo man o hindi ang iniulat ni Boss, normal sa lahat ng mga nasa kanyang katayuan ang magkaroon ng mga banta sa kanyang buhay o posisyon kaya.

Lahat naman yata ng umupo sa Malakanyang ay nakaranas nito at meron pa ngang mga kinudeta, kabilang na si Aling Cory noon.

oOo

Pero kung ako si PNoy, higit kong pansinin ang hindi lang tampo kundi galit ni Juan sa nangyayari sa kanyang buhay.

Magdadalawang taon nang umaasa si Juan na maaalpasan niya ang hirap sa buhay sa pagdating ng bagong pamahalaan ngunit tila kabaligtaran ang nagaganap.

Nitong huli, sa halip na makaahon siya sa hirap, pakiramdam niya, lalo siyang nababaon dito.

Akalain niya ba kasing napakamahal na nga ang mga disel at gasolina, parang bombang bumagsak sa kanyang bumbunan ang sobrang pagtataas ng liquified petroleum gas.

Dahil sa kamalasang ito, tiyak na lalong magmamahal ang pagkain, gamot, kuryente, tubig, pag-aaral at lalong hindi makasasapat ang kakarampot niyang kinikita.

Hindi nga lang pupuwedeng isulat dito ang pagmumura ni Juan sa galit lalo’t katwiran ng pamahalaan na wala itong magagawa sa oil price hike at LPG price hike.

oOo

Itong galit na ito ang higit na dapat bantayan ni PNoy, hindi ang mga diyaskeng gustong bumalik at agawin sa kanya ang poder.

Sa galit na ito nagmumula ang People Power na kung sumipa ay walang makaaawat.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply