Bastusan sa impeachment ‘di nagustuhan ng arsobispo

HINDI magandang halimbawa na magkaroon ng bastusan sa impeachment trial na isinasagawa sa Senado laban kay Supreme Court Chief Justice Renato Corona, ayon kay Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz.

Ang tinutukoy ni Cruz ay ang ginawang pagtatakip ng tenga ng private prosecutor na si Atty. Vitaliano Aguirre habang sinisermunan ni Senadora Miriam Defensor-Santiago ang prosekusyon dahil sa ginawang pagbawi ng mga ito sa limang articles of impeachment na una nilang inihain sa impeachment court at umano’y pagmamayabang na panalo na sila sa kaso laban sa punong mahistrado.

Ayon kay Cruz, bagama’t maaari ngang mali ang pamamaraan at tono ng senadora sa pagsesermon sa prosekusyon ay hindi naman ito dapat nasuklian ng pambabastos ni Aguirre.

Sa halip aniya ang dapat na ginawa ng abogado ay lumabas na lamang upang hindi nito marinig ang mga sinasabi ng senadora.

Naniniwala rin si Cruz na tama ang lahat ng sinasabi ni Santiago laban sa prosekusyon dahil kilalang eksperto sa batas ang senadora.

“Talagang kung sa isang pagtitipon na hindi mo na kaya, eh wag ka na rin mambastos. Siguro kung binabastos ka, lumabas ka na lang at yun namang sinasabi ni Senator Santiago ay tama naman eh.  Tono lang naman pero ang binibigkas naman niya ay tamang tama naman,” paliwanag pa ni Cruz sa panayam ng church-run Radyo Veritas.

Sinabi pa ng arsobispo na halata namang minadali ang pagsasampa ng impeachment complaint sa punong mahistrado dahil hanggang ngayon ay walang maipakitang matibay na ebidensiya ang prosekusyon.

“Talagang hindi nakahanda, inapura, sumunod kasi yung kapartido ng Presidente sa House of Representatives. Kaya wala pang isang linggo tapos na impeachment, kasi verified na raw na ang impeachment case at ang witness at 100,  pero nakakahiya mang sabihin, kawawa lamang sila,” ayon pa kay Cruz. Kyle Gatus

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply