Batang makolesterol dumarami — FNRI

NANGANGAMBA ang pamunuan ng Food and Nutrition Research Institute (FNRI) sa patuloy na paglobo ng bilang at pagbaba ng edad ng Filipino na may mataas na lebel ng cholesterol na pangunahing sanhi ng pagkakaroon ng atake sa puso.

Dahil dito, magkatuwang na inilunsad kanina ng FNRI at ng pribadong

kompanyang Del Monte Philippines ang programang susugpo sa labis na pagtaas ng cholesterol level at magbabahagi ng kaalaman sa bawat Pilipino kung ano ang mga tamang hakbang at pagkain upang hindi lumagpas sa tamang level ang cholesterol.

Inilunsad ang naturang programa na may pamagat na “Be Smart, Care for Your Heart” matapos lumabas sa pag-aaral ng National Nutrition Survey ng FNRI na isa sa tatlong Pinoy na may edad 20-pataas ang nagtataglay na ng mataas na cholesterol level.

Ayon kay FNRI Director Mario Capanzana, layunin ng naturang programa na maipabatid sa mamamayan ang kahalagahan ng wastong pagkain na makatutulong upang hindi tumaas o lumagpas sa tamang level ang bad cholesterol.

Sa isinagawang presentasyon ng nutritionists at scientists,  lumitaw na ang hypercholesterolemia o pagtataglay ng napakataas na cholesterol sa dugo ng isang tao ay sanhi ng hindi aktibong uri ng pamumuhay, walang patumanggang pagkain ng hindi malusog na kakanin at ang labis na pag-iisip at pagkabahala sa mga bagay-bagay sa kanyang kapaligiran.

Sinabi ni Capanzana na kailangan ng pamahalaan ang tulong ng pribadong kompanya na may katumbas ding layunin at responsibilidad na maibabahagi sa bawat Pilipino kung nais na kabakahin ang pagtaas ng level ng cholesterol kaya kinailangan nila ang tulong dito ng Del Monte Philippines.

Inirekomenda rin ng FNRI ang pagkain ng ube, gabi, patatas, kamote at kamoteng kahoy na hindi lamang nakapagpapababa ng bad cholesterol kundi nakapagpapataas pa ng good cholesterol.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply