Bebot arestado sa NAIA dahil sa pekeng nunal

SA kagustuhang makapaghanapbuhay sa ibang bansa kaya napilitang gumimik ng isang babae sa pamamagitan ng paglalagay ng pekeng nunal sa mukha.

Subalit hindi iyon nakalusot sa mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos siyang harangin habang papasakay na sa Philippine Airlines flight patungong Singapore.

Nabatid kay BI airport operations division chief Benito Se, ipinalalabas ng pasaherong babae na siya at ang litrato ng babae sa pasaporte ay iisa.

Aniya, ang pangyayari ay naganap noong Feb. 16 habang nakapila sa immigration departure counter ang pasahero, na hindi muna pinangalanan.

Nagduda ang immigration officer sa kanyang ipinakitang pasaporte kaya sumenyas ang officer sa mga tauhan ng travel control enforcement unit para usisain ang pasahero.

Ang nasabing pasahero ay paalis bilang isang turista, pero napag-alamang walang hotel reservation at hindi maipaliwanag ang tunay na layunin sa pagpunta sa Singapore.

Ayon pa kay Se, napansin ng TCEU personnel na may pagkakaiba sa facial features ng babae kumpara sa litrato nito sa pasaporte.

Kaya naisipan ng TCEU na hilingin sa babae na punasan ng panyo ang kanyang mukha, at sa pagkakataong iyon ay natanggal ang pekeng nunal na inilagay ng babae sa kanyang mukha.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng mga opisyal ng Inter-Agency Council Against Trafficking sa NAIA ang babae para sa patuloy na imbestigasyon.

Nagbabala naman si BI commissioner Ricardo David Jr. sa iba pang Pinoy na balak magtrabaho sa ibayong dagat na huwag kumagat sa mga iligal na gawain at anumang iligal na transaksyon o gumimik man lang na maaaring ikasama pa nila.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply