Bentahan ng laman

PUMASOK na ang Kuwaresma noong Pebrero 22 kung kaya’t marami sa mga tao, partikular ang mga Katoliko, ang nagsimulang mangilin para sa nasabing panahon.

Subalit naging kasabay ito nang paglakas ng mga tukso sa paligid ng tao upang masira ang paniniwala sa Maykapal. Tukso na tulad ng awitin ni Eva Eugenio ay maraming winasak na mga tahanan at mga matang pinaluha.

Ang negosyong bentahan ng sariwang laman, hindi ng hayop subalit ng tao, ay muling lumalakas hindi lang sa lungsod ng Maynila at Pasay City na unang naging sikat ang negosyong club, bar at mga establisimyentong katulad na parang prente ng prostitusyon.

Dahil sa patuloy na paghirap ng buhay at pagkita ng pera bunga ng paghina ng ekonomiya at pagkonti ng trabaho, marami sa mga kababaihan, lalo na ang mga kabataan, ang nasasadlak sa ganitong hanapbuhay—ang prostitusyon.

Hindi lang mga kababaihan ang naging masaklap ang kapalaran dahil sa kawalan ng sapat na hanapbuhay subalit maging ang kalalakihan dahil sila man ay natutong magbenta ng sariwang laman para lang mabuhay.

Ang ganitong gawain ay tila wala sa bokabularyo ng pamahalaan. Tila walang panahon ang mga kinauukulan upang bigyang kasagutan ang problemang ito. O baka naman hindi talaga binibigyang pansin dahil sa binata pa ang namumuno ng bansa?

Subalit marami ang nakababatid na mapagmahal sa pamilya ang Pangulo kaya dapat ay isa sa mga prayoridad niya ang pagtuturo sa kabataan sa “tuwid na daan” at hindi sa maputik o lusak na landas.

Dapat unang tumugon sa usaping ito ang mga tanggapan ng pamahalaan tulad ng Department of Social Welfare and Development, Department of Labor and Employment, Local Government Units sa ilalim ng Department of Interior and Local Government at Philippine National Police.
Makabubuting paigtingin ang kampanya laban sa prostitusyon.

Nasimulan na ni Quezon City Mayor Herbert Bautista ang kanyang kampanya laban sa salot na sugal kaya’t dapat na rin niyang iutos sa bagong district director ng QC Police District na si Chief Supt. Mario Dela Vega ang pagpapatupad ng batas laban sa prostitusyon.

Ilan sa mga sikat na club sa nasasakupan ni Bistek at Gen. Dela Vega na talamak ang bentahan ng sariwang laman ay ang Grandeur at Baia Luna sa Timog, Mega Heart Beat, Wilderness, Queens Castle, Executive Health Club pawang sa Quezon Avenue, FHM sa West Avenue at Happy Sauna sa E. Rodriguez Avenue. Maging sa maliliit na club sa Cubao, Tandang Sora, Commonwealth, Visayas, Quirino Highway, Timog, at Roosevelt ay usong-uso rin ang prostitusyon.

Kailan pa kikilos ang pamahalaan? Kapag kalat na ang sakit at maraming asawa at anak ang iniwan ng kanilang haligi ng tahanan dahil sa naloko sa sariwang laman?

Nais ba ninyong ibahagi ang inyong karanasan sa opisyal at tauhan ng pulisya o pamahalaan at pribadong indibidwal? Maaari kayong magtext sa 09215175814 o mag-email sa Santi_lean11@yahoo.com.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply