Bigyan ng patas na halaga

ISA sa mga hinaing ng mga residente ng Navotas na nakatakdang  i-relocate sa Bulacan at Montalban, Rizal ay ang hindi pareho o patas na biyayang ibinibigay ng National Housing Authority (NHA) sa kanila.

Sigaw ng mga residente, NHA Manager Chito Cruz, ano na  ang nangyari sa pera namin, hanggang ngayon ay hindi pa rin ninyo ibinibigay sa amin na nag-boluntaryong magpa-relocate?

Oo nga naman, NHA Gen. Mngr. Chito Cruz, ibigay niyo na  ang para sa kanila.

Kawawa naman ang ating mga kababayan, api na nga sa sariling bansa ay lalo niyo pa yatang inaapi.

Palibhasa, hindi mo naranasang tumira sa isang squatter area na tulad ng ilan nating mga kababayan kaya hindi niyo alam ang pakiramdam ng dini-demolish ng walang perang hawak at walang mapupuntahan.

Ayon sa ating nakausap na mga residente ng Sitio San Roque sa Navotas, sila na ang nagkusa na magpa-relocate.

Binigyan lang sila ng tig-P5,000 at grocery items ng NHA samantalang ang mga taga-North Triangle sa lungsod ng Quezon ay inalok ng halagang P32,000 na cash, grocery items at on site pa sa oras na magpa-relocate na sila samantalang  ang  mga madi-disqualify naman ay bibigyan lamang ng halagang P15,000 bawat pamilya.

Hindi ito maaaring itanggi ni Cruz, dahil may pirma siya sa  hawak na MOA ng mga residente ng Navotas kaya sila umaalma.

NHA Gen. Manager Chito Cruz, bakit naman  ganun?

‘Di ba dapat ay pare-pareho lang ang halagang inyong ibibigay sa mga mare-relocate na pamilya?

Katulad po ng mga naunang na-relocate sa Bulacan at Montalban na  nabigyan ng tig-P45,000 bawat pamilya.

Ano po ba ang pagkakaiba ng mga nakatira sa squatter area ng  Navotas at Quezon City maliban sa spelling?

Pare-pareho pong kumakain ng tatlong beses sa isang araw  ang mga yan, nangangailangan ng  maayos na matitirahan,  nagkakasakit din po ang mga yan at kailangang bumili ng gamot.

May mga anak na pinag-aaral, namamasahe at kung ano-ano pa.

Lahat po ng mga yan ay pare-pareho ng kailangan.

Kaya kahit gaano kaliit ang ibibigay niyo sa kanila ay mas maganda sigurong pakinggan kung pare-pareho sila ng matatanggap.

Sa palagay ko  ay matatanggap nila ang ganun kaysa mabalitaan na ang iba ay  nabigyan ng mas malaking halaga, ‘di po ba NHA Gen. Mngr. Chito Cruz?

Para sa inyong reklamo,  suhestiyon at komento, mag-text lang po sa 09062653394 o kaya ay mag-email sa lpr_2012@yahoo.com.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply