BOC pinag-iingat ang publiko sa mga manloloko

PINAG-IINGAT ng Bureau of Customs (BOC) ang publiko sa pakikipag-transaksiyon sa mga taong nagpapanggap na kawani ng kanilang ahensya para maiwasang maging biktima ng panloloko.

Ang babala ay may kaugnayan sa isang insidente na naganap sa tapat ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kung saan isang babae ang nakuhanan ng halagang P100,000 makaraang maniwalang mabibili nito ang iPhone 4S at isang mamahaling Mac laptop na nasa kustodiya pa ng Customs.

Ayon kay Regie Tuazon, hepe ng Customs Enforcement and Security Services sa Paircargo na isang bonded warehouse sa NAIA, dumulog sa kanilang tanggapan sina Cecille Montano ng Calamba, Laguna, at Hazel Grape ng Pasy City upang ireklamo ang isang nagngangalang Alberto S. Romero na umano’y nagpakilalang isang Customs collector.

Sa kanilang salaysay kay Tuazon, habang ang dalawa ay nasa SM Sucat Mall sa Paranaque, bigla silang nilapitan ni Romero saka nakipagkuwentuhan.

Nagpakilala si Romero na isang kawani ng BOC at para lalong kapani-paniwala para sa dalawang babae, may ipinakita ang suspek na isang Customs “identification card” na katunayan daw na isa siyang opisyal ng nasabing ahensiya.

Nang lumaon, nabanggit ng suspek na merong ibinibentang iPhone 4S at Mac laptop sa halagang P100,000.00 kaya lang daw ay nasa bodega pa ng BOC sa NAIA dahil hindi pa nababayaran ang tax.

Pero dahil isa naman daw siyang collector sa Customs, sinabi niya sa dalawang biktima na kayang ilabas ito at ibenta sa ganoong halaga.

Sa tamis ng pananalita, bumilib at naniwala ang dalawang babae kay Romero hanggang sa mapaayon sina Grape at Montano na maglabas ng pera para bilhin ang dalawang item.

Nang magsara sila ng usapan, kusang ibinigay ni Romero ang kanyang contact numbers para madali siyang makontak.

Sinabihan ni Romero ang dalawang biktima na pumunta sa Pagcor Drive at makipagkita sa kanyang mga kinatawan na nakilalang sina Willie Aguilar at Jojo Reyes dahil ang mga ito daw ang magbabayad at kukuha sa cellphone at laptop sa loob ng Paircargo.

Pinayuhan pa ni Romero ang dalawang babae na pumunta at maghintay na lamang sa parking area ng Duty Free upang doon na lamang sila maghintay.

Nang magkita ang mga biktima at ang mga suspek, dito na nila ibinigay ang pera. Gaya ng napagkasunduan, pumunta sina Montano at Grape sa Duty Free.

Inabot sila ng isang oras na paghihintay sa Duty Free parking area, bago nila namalayan na wala ni anino ng taong kanilang nakausap na dumating sa kanilang tipanan.

Hindi na rin nila matawagan ang contact numbers na ibinigay ni Romero.

Inatasan ni Customs ESS District III Commander, SPAS Marlon M. Alameda, ang Customs police intel unit sa NAIA para mag-operate at hanapin ang mga suspek na gumagamit sa BOC para makapanloko. Benjie Vergara

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply