Brownout at blackout, artipisyal ba o hindi?

MAHIRAP isipin kung bakit nagkukulang ang suplay ng kuryente sa buong Mindanao at nagdudulot ng malawakang brownout at blackout sa mga lugar na pinagmumulan mismo ng produksyon ng enerhiya, gaya ng hydro-electric power plants at ilang power barge.

Hindi biro ang perwisyo ng kawalan ng kuryente sa mga pabrika at business establishments na nakasalalay sa kuryente ang kita.

Dahil sa epekto nito sa ekonomiya ng Mindanao, isang pulong ng gabinete ni PNoy ang inilaan sa Malacañang kamakailan para talakayin at bigyan ng solusyon ang nasabing problema na naging laman ng ilang pahayagan.

Ayon sa kanila, nakahanda diumano ang gobyerno na i-rehabilitate ang ilang power plant upang makatulong na makaagapay sa pagsuplay ng kuryente sa buong Mindanao.

Dagdag pa nila, makatutulong ang paggamit ng power barges na gumagamit ng krudo sa pagsuplay nito ng enerhiya sa ilang lugar sa Mindanao.

Pero teka, sa hirit ng isang militanteng kongresista, hindi raw sapat ang mga plano ng Malacañang na matugunan ang problema sa kuryente dahil lahat ay “palliatives” at papogi lang.

Isapubliko nang ganap ang power plants at iwasan na ibahagi sa mga pribadong kompanya ang ilang mahahalagang aspeto ng industriya ng kuryente para matugunan ang pangangailangan ng publiko na hindi napagsasamantalahan ng malalaking kapitalista.

Hindi tugma ang ginagawa ng Malacañang na maresolba ang problema dahil laging nakasalalay sa mga malalaking negosyo ang kanilang desisyon, pagdiriin ni Rep. Teddy Casiño.

Walang problema kung ok na sana ang mga desisyon na nakabatay sa tunay na kalagayan ng power sector, dagdag ni Rep. Casiño. Peke yata ang ka-nilang mga datos?

-000-

P500M ang inilaan ng Malacañang para gastusin ng COMELEC sa panibagong registration ng mga botante sa ARMM kaya nararapat na suportahan ng mga residente rito ang nasabing pagpapalista.

Huwag sanang ilagay sa alanganin ng mga pulitiko ang sistema na gustong gawin ni PNoy dahil sinsero naman ang administrasyon na malinis at maging transparent ang eleksyon sa ARMM sa pamamagitan ng pag-uumpisang linisin ang listahan ng mga flying voter at under-age na botante.

Hindi sapat ang biometrics lang kung walang pagkukusa ang ilang pulitiko na sumang-ayon sa kagustuhan ng Malacañang.

Itataya ko ang sampung piso ko na magkakaroon ng mga pagbabago sa elektoral na usapin ang buong ARMM dahil ke PNoy at sa mga taong gustong tumulong sa kanya.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply