Budget para sa BFP ipinababalik sa DBM

INATASAN ng korte ang Department of Interior and Local Government (DILG) na ibalik sa kaban ng bayan ang pondong nakalaan sana para sa pagbili ng mga gamit ng bumbero sa buong bansa.

Sa kautusan ni Judge Lita Tolentino Genilo ng Quezon City Regional Trial Court Branch 91, ang temporary restraining order (TRO) na inisyu nito ay nagpapahinto sa pagbili ng mga kagamitan ng mga bumbero sa halagang P242.8 milyong na nauna nang sinang-ayunan ng kagawaran noong 2010.

Sa kanyang tatlong pahinang desisyon, sinabi ni Genilo na kailangan maibalik ang nasabing pondo sa Department of Budget and Management (DBM) alinsunod sa Section 7, Rule 65 ng 1987 Rules of Civil Procedure, upang mapangalagaan ang mga karapatan ng mga partidong sangkot sa usapin.

Binigyan din ni Genilo ng sampung araw ang mga nasasangkot upang sumagot sa ipinalabas na kautusan ng korte.

Sa kanilang petisyon, hiniling ni Juanito Tionloc ng Kolonwel Trading at kasosyo na Korean-based In Seuing Apparel Co., sa korte na atasan sina DILG Secretary Jesse Robredo at Bureau of Fire Protection (BFP) officer-in-charge Samuel Perez na itigil ang pagsasagawa ng muling pagsusubasta at hiniling na ibalik sa DBM ang kaukulang halagang nakalaan para sa nasabing proyekto.

Inihain ni Tionloc ang petisyon makaraang sabihin nina Robredo at Perez na ‘bigo ang isinagawang pagsusubasta’ sa kabila na ang mga tanggapan ng dalawang opisyal ang nagbigay ng kontrata sa Kolonwel Trading.

Ang Kolonwel Trading ay isa sa tatlong kumpanya, kabilang ang Panpisco Technologies Inc. at 911 Alarm Inc., na nagsumite ng kanilang alok para mag-supply ng helmet, coat, gloves at boots ng mga bumbero sa taong 2010 na may halagang P242M.

Ang Kolonwel Trading ang nakakuha ng kontrata matapos mag-alok ng pinakamababang presyo, P150M, o mas mababa ng P92M sa itinakdang presyo ng Bids and Awards Committee (BAC) ng BFP.

Inirekomenda ng dating hepe ng BFP ang rekomendasyon ng BFP-BAC at isinumite ito kay Robredo para sa pinal na pagsang-ayon. Pinirmahan naman ni Robredo ang rekomendasyon at ibinalik ito sa BFP para ipatupad ang nasabing proyekto.

Gayunpaman, nang hawakan na ni Perez ang BFP, tumanggi itong ipatupad ang kautusan ni Robredo at sa halip, ay sinabing ‘bigo ang ginawang subasta’ batay sa reklamong ng mga natalong bidder na nagsasabing hindi nagsumite ang Kolonwel Trading ng ‘electronically filed business tax returns, quality tests at English translations’ ng kanilang mga dokumento.

Inireklamo rin ng Kolonwel Trading si Perez matapos na bigo itong abisuhan ang nanalong bidder sa ginawang desisyon at kinilala ang reklamo Panpisco at Alam 911 sa kabila ng kabiguan ng mga natalong bidder magsumite ng kinakailangang protesta at magbayad ng protest fee, alinsunod sa itinatakda ng Government Procurement Act.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply