Canadian national nabiktima ng ‘kuyog pickpocket’

DISMAYADO ang isang 56-anyos Canadian national matapos mabiktima ng 10 menor de edad o “kuyog pickpocket” sa Ermita, Maynila kagabi (Marso 30).

Sa reklamo ni Richard Joseph McCornicks, engineer at pansamantalang nanunuluyan sa 1447 Casa Blanca sa M. Adriatico St. Ermita, Maynila, naglalakad umano siya sa lugar dakong alas-6:30 ng gabi nang biglang salubungin at pagkumpulan ng mga bata na nasa edad walo hanggang 12.

Habang naglalakad ay pinipilit umano siya ng mga bata na magbigay ng pera habang ang iba ay nangangalabit.

Ilang minuto rin umanong kinulit ng mga bata ang biktima, bago tinantanan.

Huli na nang mapansin ng biktima na nawawala ang dala niyang envelope na naglalaman ng kanyang pasaporte at Alien Certificate.

Wala naman iba pang nakuha sa biktima maliban sa naturang mga bagay.

Samantala, mahigpit na pinayuhan ng Manila Police District (MPD), ang publiko na mag-ingat sa ganitong modus operandi ng “kuyog pickpocket.”

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply