CBCP duda sa destab plot vs President Noy

HINDI naniniwala  maging ang mismong pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa destabilization plot laban  kay Pangulong Benigno Simeon Aquino III.

Ayon kay CBCP president at Cebu Archbishop Jose Palma, isa siya sa mga hindi naniniwala sa naturang plano at umaasa siya na hindi na kakalat ang ganitong ‘kuwento,’ kahit pa mismong si PNoy na ang nagbunyag.

Nanawagan din ang CBCP official sa publiko na huwag kaagad magpaapekto sa naturang ulat sa halip ay pagmunian ang kasalukuyang pampulitika ng bansa.

Nauna rito, maging si Senator Antonio Trillanes IV ay nagsabi na ilang retiradong military officers ang nagre-recruit ng mga aktibong personnel ng Armed Forces of the Philippines upang pabagsakin ang administrasyon.

Mismong si PNoy ay una na ring nagsabi na may mga taong naapektuhan ng kanyang anti-corruption campaign, ang nagpaplanong mapatalsik siya sa puwesto.

Gayunman, sinabi ni Palma na kung totoo man ang naturang ulat ay tiyak na magbibigay ito ng negatibong epekto sa bansa.

Kaugnay nito, naniniwala si Malolos Bishop Jose Oliveros na ang planong destabilisasyon sa pangulo ay patunay lang na hindi nito kayang pag-isahin ang mga Pinoy.

Bagamat wala pang ulat na natatanggap ang mga obispo hinggil sa destab plot, sinabi ni Oliveros na kung totoo mang may mga tao na nagnanais na paalisin sa pwesto ang pangulo, ito ay dahil hindi sila kontento sa pamamahala nito sa bansa.

Pinayuhan pa ng obispo si PNoy na kung talagang gusto nitong pag-isahin ang mga Filipino ay dapat pakinggan nito ang boses ng nakararaming mamamayan at hindi ang kanyang kagustuhan lamang.

Ayon kay Oliveros, maraming isyu sa bansa na tanging Pangulo ang nasusunod at hindi ang mamamayan gaya na lang sa pagsusulong nito sa RH bill na mariing kinokondena ng Simbahang Katolika.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply