CCTV laban sa bomba at kriminalidad

PANGAMBA lagi ang nasa isipan ng mga taga-Mindanao, partikular ang mga taga-ARMM, hinggil sa hindi matigil na pagsabog ng mga IED (improvised explosive device) at granada na kagagawan diumano ng ilang elemento ng mga rebelde at ilang grupo ng mga kriminal.

Sa Central Mindanao, hindi matukoy ng ating kapulisan ang mga taong nasa likod ng mga pagsabog bagama’t me ilang sektor na nagtuturong grupo diumano ng mga nangingikil sa mga negosyante ang me kagagawan ng mga pagsabog ng mga IED.

Ayon sa mga eksperto, ang bomba ay gawa sa 81mm mortar at kinabitan ng blasting cap at detonator para makontrol ang pagsabog nito sa pamamagitan ng isang cellphone.

Isang malaking problema ito ng mga kinauukulan kaya isang memorandum circular bilang 2012-38 ang ipinalabas ni DILG Secretary Jesse Robredo para sa paggamit ng closed circuit television (CCTV) sa lahat ng mga lokal na pamahalaan na sumasakop sa lalawigan, siyudad at munisipyo, kabilang na ang Autonomous Region in Muslim Mindanao o ARMM.

Layunin nito na makatulong para mapangalagaan ang public safety at kaayusan sa buong bansa, lalo na ang mga lugar na me mataas na bilang ng dami ng mga residenteng naninirahan dito, pagdiriin ni Sec. Robredo.

Dapat na me kaakibat na ordinansa, ayon sa kalihim, na nagtatakda na gumamit ang mga establisimyento ng CCTV sa mga nasabing lugar.

Isang bahagi ng security measures naman ang paglalagay ng CCTV sa loob ng 34 ektaryang compound ng ARMM sa Cotabato City, ayon naman kay OIC ARMM Regional Governor Mujiv Hataman.

Harinawa ay makatulong ang CCTV sa mga kapulisan at security personnel ng iba’t ibang ahensya sa pagsugpo ng iba’t ibang krimen.

(Kung me komento o reaksyon hinggil sa artikulo ay pwedeng mag-email sa adladayo@yahoo.com)

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply