Coco levy fund ‘di gagamitin sa CCT program

TINIYAK ng Malakanyang sa mga coconut farmers na hindi gagamitin ng pamahalaan ang Coconut Levy Funds para sa kanilang kontrobersiyal na cash dole-out program.

Pinabulaanan ni Deputy Presidential spokesperson Abigail Valte na planong galawin ni Pangulong Benigno Aquino III ang coco levy funds para sa  conditional cash transfer (CCT) program.

Sinabi ni Valte, na huhugutin ang pondo para sa 3 milyong pamilya na benepisyaryo ng programa mula sa 2012 national budget.

Nauna rito, ibinunyag ng mga militanteng grupong Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at Kaisahang Pambansa ng mga Magsasaka sa Koprahan, na balak umano ni Pangulong Aquino na gamitin ang naturang pondo upang i-sustain ang CCT program.

Sinabi ni KMP deputy secretary general Willy Marbella na nakatanggap siya ng “reliable information” na gagamitin ng Malakanyang National Anti-Poverty Commission (NAPC) ang coco levy funds para sa CCT.

Aniya, may umiikot na balita simula pa noong nakaraang taon, na plano ng Punong Ehekutibo na gamitin ang NAPC para makuha sa coco levy fund ang P50 billion hanggang P100 billion at ilagay sa CCT.

Ang coco levy fund ay mula sa nakuhang buwis mula sa coconut farmers na sinimulan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos noong dekada 70 at 80.

Sinasabing nagsabwatan sina Marcos at ang mga crony niya para buwisan ang mga magsasaka sa pangakong malaking pagbabago sa coconut industry. Subalit pumutok naman ang balitang ang buwis na nakuha sa mga magsasaka ay ginamit para sa personal na kapakinabangan ng grupo ni Marcos kabilang na ang pagbili ng United Coconut Planters Bank (UCPB) at pagkakaroon ng share sa San Miguel Corporation (SMC).

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply