Comelec may payo sa mga tutol sa pagbili ng PCOS machines

PINAYUHAN ng pamunuan ng Commission on Elections (Comelec) ang mga grupo o indibidwal na tumututol sa plano nilang pagbili sa precinct count optical scan (PCOS) machines para gamitin sa May 2013 midterm polls, na ngayon pa lamang ay magsampa na ng reklamo hinggil dito.

Ayon kay Comelec Chairman Sixto Brillantes Jr., dapat na agahan ng mga ito ang pagsasampa ng kaso, halimbawa ay sa Korte Suprema, upang sakali mang magdesisyon ang Korte na ipatigil ang pagbili ng PCOS machines mula sa Smartmatic, ay magkakaroon naman sila ng oras para makagawa ng iba pang paraan.

Sinabi naman ni Comelec spokesperson James Jimenez na sakaling magdesisyon ang Korte Suprema na ipatigil ang pagbili ng mga PCOS machine ay balik na naman sila sa umpisa at magsasagawa ng public bidding para sa iba pang teknolohiya na maaaring gamitin.

Dagdag pa ni Jimenez, posible ring ang Optical Mark Reader (OMR) solution na lamang ang kanilang isulong na teknolohiya kung saka-sakali.

Gayunman, tiniyak ni Jimenez na pag-aaralan muna nila itong mabuti dahil ang paggamit ng OMR bilang voting machine ay mangangailangan ng 12 buwang preparasyon.

Nabatid na sa ngayon ay may 15 buwan na lamang na nalalabi ang Comelec para makapaghanda sa May 13, 2013 elections.

Matatandaang sa botong 5-2 nagpasya ang Comelec na bilhin na lamang ang may 80,000 PCOS machines na ginamit nila noong May 2010 national and local polls dahil sa kakulangan ng oras at pondo.

Gayunman, tutol dito ang election watchdog na Automated Election System Watch (AES Watch) at ilan pang government official at iginiit na posibleng malagay umano sa balag ng alanganin ang halalan sa bansa dahil dito.

Ayon kay Nelson Celis, co-convener ng AES Watch, mistula umanong magkakaroon ng monopolya sa technology system ng halalan at hanggang ngayon ay hindi pa rin umano naipapakita ng Smartmatic kung naitama na nila ang mga nakitang depekto sa mga makina nito.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply