Confidential agents ng BI nanganganib masibak

INAASAHANG masasama sa talaan ng mga walang trabaho sa Pilipinas ang mahigit 500 confidential agent (CA) ng Bureau of Immigration (BI) sa sandaling ipatupad ang isang direktiba na naglalatag sa mga kuwalipikasyon upang maging ‘temporary employee’ ng kawanihan.

Sa isang memorandum order ni Immigration Commissioner Ricardo David Jr. noong Pebrero 24, 2012, inilatag nito ang mga patakaran at kuwalipikasyon para sa paghirang ng CA ng kawanihan, alinsunod sa ipinaiiral na ‘Guidelines for Hiring and Employment of Confidential Agents in the Bureau of Immigration.’

Kabilang sa pangunahing kuwalipikasyon ay dapat nagtapos ng kurso sa kolehiyo, katibayan na wala itong nakabinbing kaso sa ano mang hukuman sa bansa, katibayan na marunong sa paggamit ng kumpyuter at National Bureau of Investigation (NBI) clearance.

Habang ang mga kasalukuyang CA ng kawanihan ay binibigyan ng sapat na panahon upang ikumpleto ang nasabing rekesitos.

Para naman sa mga kasalukuyang CA na naglingkod na ng limang taon sa bureau at hindi nakakuha ng permanenteng posisyon sa kawanihan, hindi na bibigyan pa ng palugit ang kanilang paglilingkod sa pamahalaan, habang dalawang taon palugit naman ang ibibigay sa mga empleyado upang mahirang sa permanenteng posisyon at maging regular employee ng kawanihan.

Hindi rin dumadaan sa kamay ng Civil Service Commission (CSC) ang kontrata ng mga CA sa kawanihan, hindi tulad ng mga tinatawag na contractual at co-terminus employees.

Dahil sa nasabing direktiba, nagkaroon ng kalituhan at agam-agam sa hanay ng mga apektadong empleyado na maituturing na walang ‘kapit sa itaas.’

Gayunpaman, agad naman pinakalma ng liderato ng kawanihan ang mga apektadong empleyado sa pagsasabing dadaan naman sa karampatang proseso ang paghirang ng CA, matapos ipag-utos din ni David ang pagbubuo ng isang komite na magsasala at magpro-proseso sa paghirang ng CA ng tanggapan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply