Congrats graduates at ang Semana Santa

KAMAKALAWA nagmartsa ang mga bagong graduate na nagtapos ng kanilang kolehiyo sa National Press Club sa Intramuros, Manila.

Ito ang First Batch na pormal na nag-aral sa off-campus program ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila na itinaguyod ng NPC.

Ginanap ang graduation rites sa Manila Hotel, at dumiretso sila sa NPC makaraan para roon na iraos ang kanilang salo-salo.

Sa pagtitiyaga ng ating mga kasama at ibang estudyante, muling nagtagumpay ang programang edukasyon ng NPC.

Kaya, congratulations sa inyong lahat.

Inaasahan nating iiral nang higit ang propesyonalismo sa ating hanay.

KASAMA SA PROGRAMA

Halo-halo ang mga estudyante na nag-aral sa NPC.

May empleyado ng pamahalaan, may mga indibidwal at may mediamen.

Itong mediamen, mga Bro, ay ngayon lang nakatapos ng kolehiyo.

‘Yung iba, nagdagdag ng ibang kurso.

Malugod na pagbati kina Danilo Ambrocio, Jorge Convocar, Ma. Jocelyn David, Cornelio de Guzman, Ferdinand Fabella, Ben Gines Jr., Cresmond Heramis, Norberto Lopez, Renato Maliwat, Maria Kristina Maralit, Alvin Murcia, Robert Ricohermoso, Jerry Sabino, Bernard See, Abegail Sicat, Celestino Sicat Jr., Zenaida Simbulas at Jose Joel Sy Egco.

Itong 19 mediamen, mga Bro, ang inaasahan nating karagdagang propesyonal na mamamahayag.

Kasama sa mga nagtiwala sa educational program ng NPC at PLM at non-NPC member ay sina Melody Ann Acuzar, Alvin Almointe, Zenaida Asombrado, Quijo Brillio, Michelle Buendia, Manuel Castillo Jr., Catherine Sagcal, Romel San Pedro, Mary Ann tinambacan at Elsa Villanueva.

MASTERAL DEGREE

May nag-graduate din sa masteral degree sa ilalim pa rin ng programa ng PLM at ginamit ng mga ito ang isang silid ng NPC bilang kanilang classroom.

Congratulations din po sa inyong lahat.

MAY SUSUNOD PANG GRADUATES

May susunod pang ga-graduate sa susunod na taon.

At ngayon pa lang ay binabati na natin sila sa kanilang pagtitiyaga at pagtitiwala sa joint educational program ng NPC at PLM.

Mas marami ang bilang ng mediamen na nasa kalagitnaan ng pag-aaral sa ngayon upang matapos ang kanilang kolehiyo o makadagdag ng kinakailangan nilang kurso.

Inaasahan natin na magpapatuloy ang ganitong programa na napasimulan ng tatlong magkakasunod na huling pamunuan ng NPC.

SCHOLARSHIP PROGRAM

Gumawa tayo ng scholarship program para sa ating mga kasamahan sa hanapbuhay at paglilingkod-bayan.

Sila muna ang gumastos at sa huli, isinauli ng NPC ang kanilang ginastos.

Pero sa pagitan ng mga sitwasyong ito, sa oras ng kagipitan, naririyan ang NPC na handang umalalay sa ating mga kasamahan.

Pambili ng isang kilong bigas ng pamilya, pamasahe at iba pa para maitaguyod lang nila ang kanilang pag-aaral at pag-asang higit nilang magagampanan ang kanilang tungkulin sa propesyon at sa lipunang Filipino.

Ginawa ito upang maramdaman ng ating mga kasamahan na pawis, pagod at sariling pagsisikap ang puhunan.

Napakatamis nga naman ang magkaroon ng tagumpay na iyong pinagpawisan, pinaglaanan ng iyong dugo, oras at lahat.

Hindi lang ang mediamen ang makikinabang sa programang ito kundi ang kani-kanilang mga pamilya at ang mismong bayan.

NOT GUILTY NI ANDAL AMPATUAN

Nag-Not Guilty plea si Andal Ampatuan Sr. sa kasong election sabotage na naisampa sa kanya kamakalawa sa hukuman.

Dagdag na kaso ito sa kinahaharap ni Ampatuan na 57 na kasong murder kaugnay ng massacre sa maraming mediamen at iba pa sa tinatawag nating Maguindanao massacre.

Magkakambal ang mga kasong ito bilang ekspresyon ng pang-aabuso sa kapangyarihan.

Ayon sa pahayag ng mga testigo sa lahat ng mga kasong election sabotage at massacre, ang mga mandaraya sa halalan ay kakambal ng mga mamamatay tao.

Kaya kung totoo ang mga akusasyon kay Ampatuan at iba pang akusado sa massacre at election sabotage, dapat na gumawa ang pamahalaan, ang mga hukuman lalo na, ng mga kaukulang hakbang.

Parehong may mabigat na parusa ang mga kasong ito kaya naman walang pinahihintulutang piyansa rito at halos buong buhay na bubunuin ng mga mapatutunayang nagkasala ang parusang kulong.

Nga pala, nagkamali ang computer natin sa pagsasabing binasahan ng murder kamakalawa si Ampatuan Sr.

Computer, este, tao lang po tayo na nagkakamali rin anomang oras.

SEMANA SANTA

Nagpahinga ang impeachment court sa pagdinig sa kaso ni Chief Justice Renato Corona.

Naiisip nating mag-ceasefire din tayo sa paglalabas ng hinaing ng bayan laban sa mga inutil at walang nagagawang opisyal ng bayan.

Pero magagaling na maglihim ang mga tarantadong ito ng kanilang mga tago at nakaw na yaman lalo na sa kanilang SALN.

Maganda sigurong mailabas muna ang kalokohan ng mga ito para mayroon silang pagsisihan ngayong Semana Santa.

Ano sa palagay ninyo, mga Bro?

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iatawag o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply