Corona inilublob ng depensa sa criminal liability

TATLONG testigo ng Defense Panel ang naglublob kay Chief Justice Renato Corona sa pagkakasalang criminal partikular ang kasong paglulustay ng salapi ng bayan at tax evasion na siyang naipresenta nitong nakaraang araw sa impeachment court.

Ganito ang pagsusuri ng House Prosecution Panel matapos maipresenta ng depensa ang tatlong testigo na tumalakay sa kinita ni Corona sa Supreme Court, House of Representatives Electoral Tribunal (HRET) at Senate Electoral Tribunal (SET) mula 2002 hanggang 2011.

Base sa presentasyon ng depensa, kumita si Corona ng aabot sa P21 milyon sa loob ng 10 taon na sumasakop sa sahod at benepisyo, sa kanilang pagtatangkang patunayan ang pinansiyal na kapasidad nito na makabili ng mamahaling ari-arian at makapaglagak ng milyon sa bangko.

Ngunit, sinabi ni Marikina Rep. Miro Quimbo na mukhang nailantad ng tatlong testigo ng defense team na epektibong nagkasala si Corona sa kasong malversation at tax evasion kung talagang sahod ang mga pondong ito na siyang pinatotohanan ng kanilang testigo sa impeachment court.

Ipinakikita sa pagtututos na kumita si Corona ng P21.6 milyon, P11.9 milyon dito ang sumasakop sa personal na sahod. Aabot naman sa P9.7 milyon ang kumakatawan sa allowance na nangangailangan ng liquidation base sa sertipikasyon na nilagdaan mismo ng punong mahistrado, ayon kay Araceli Bayuga, chief disbursement officer ng Supreme Court.

Pinatunayan din nina Atty. Irene Guevarra, secretary ng SET at Atty. Girlie Salarda ng HRET na tumanggap si Corona ng mahigit P5.8 milyon bilang allowances mula sa naturang electoral tribunal mula 2007 hanggang 2009.

“It is clear that these allowances cannot be used for purposes other than for those provided by law. They cannot be used for the personal benefit of the chief justice. They cannot be used to buy expensive penthouses,” ayon kay Quimbo.

Ipinaliwanag naman ni Aurora Rep. Sonny Angara na base sa testimonya ng sariling testigo ng depensa mula sa SET, itinuturing na hindi kita ang allowance kundi pondo na gagastusin sa pagtupad ng kanyang tungkulin.

“Ordinarily, an allowance is subject to liquidation. In the case of the chief justice, as a courtesy extended to his office, he is just obliged to certify that these funds have been used as legally intended,” ayon kay  Angara. “But the leeway granted does not mean that he cannot pocket these funds.”

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply