Corona umaming nag-withdraw ng milyon

INAMIN ni Chief Justice Renato Corona na nag-withdraw siya at kanyang kabiyak ng milyong halaga mula sa kanilang accounts sa Philippine Savings Bank Katipunan branch noong Disyembre 12, 2011, ang araw na inaprubahan ng Kamara de Representantes ang impeachment case dahil nawalan sila ng tiwala sa bangko.

Sa panayam ng Unang Hirit nitong umaga ng Miyerkules, sinabi ni Corona na alam nito na nagkaroon ng leak sa bangko na ibinalita ng ilan nilang kaibigan – ilan sa kanila ay pawang kapitbahay at kapwa depositor sa naturang bangko – na nagsasabing pinag-uusapan ang kanilang accounts.

“Ang dahilan n’yan (withdrawals) kasi, nawalan na kami ng tiwala sa bangko kasi alam naming doon nanggaling ang leak kasi may mga nagsasabi sa amin,” ayon kay Corona.

“Ikaw ba magtitiwala ka pa sa bangkong ganun, hindi mo ba wi-withdrawhin ang pera mo kung ikaw ang nasa lugar naming, giit pa niya.

Sa isang pagkakataon, sinabi ni Corona na kahit ang branch manager na si Annabelle Tiongson ay nagkukuwento tungkol sa kanilang account, ngunit hindi niya alam ang pangalan nito sa panahong iyon.

Sa ginanap na impeachment trial, sinabi ng private prosecutor na si Demetrio Custodio na isinara ni Coorona ang tatlong PSBank account nila na may naka-depositong P32.6 milyon sa araw nang aprubahan ng impeachment case.

Kabilang dito ang  Account No. 089-121023848, na binuksan noong June 29, 2011, na may laman na P17 milyon; Account No. 089-121019523, binuksan noong  Dec. 22, 2009, na may P8.5 milyon at Account No. 089-121021681, na binuksan noong Sept. 1, 2010, na may laman na P7,090,099.45.

Ikinatuwiran ni Corona na nanggaling ang naturang  halaga sa kompanya na pag-aari ng kanyang asawang si Cristina kung saan siya nakakuha ng P11 milyong cash advance at mula sa perang pinagbentahan ng kanilang ari-arian.

Ayon kay Corona, hindi niya ideneklara ang naturang salapi sa kanyang statement of assets, liabilities and network (SALN) dahil hindi naman niya pag-aari ito kundi ng kompanya.

“Siyempre, kasi hindi naman amin iyon, sa korporasyon iyon. Ikaw ba ide-declare mo sa SALN mo ang ari-arian na hindi sa iyo?”

Sinabi pa ni Corona na matagal na niyang alam na tinatrabaho siya ng Palasyo bago pa man maisampa ang impeachment case sa Senado na ibinalit ng ilang kaibigan sa loob ng Malakanyang.

“Hindi naman tayo parang bulag at saka bingi.  Doon sa Malakanyang, matagal din akong nanilbihan, marami akong kaibigan doon, nagmamagandang-loob, tini-text sa akin na ganito ang galawan dito, maraming nagre-report sa akin na taga-loob na concerne, texted me that this was happening here, many from inside were reporting to me,” ani Corona. Ernie Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply