Daan-daan libong pera ng bayan nilustay sa kunwari StratPlan

MAHALAGA sa alinmang bagay ang may plano.

Kaya ang mga organisasyon, kompanya at government agencies o units, may tinatawag na Strategic Planning o StratPlan.

Ok naman tayo diyan kasi, kung walang plano, walang gabay at batayan ng operasyon at tinatanaw-tanaw na resultang nais matamo.

Ang hindi ok at Ito Ang Totoo: kung ang StratPlan, partikular ng government agencies o units, ay kunwari lang para sa bayan pero pulitika naman pala ang pinag-uusapan at pinagpaplanuhan.

Ito ang isinumbong sa atin ng mga hindi masikmura ang paggastos ng daan-daang libong halaga na pera ng bayan sa StratPlan kuno ng Olongapo City government sa pamumuno ni Mayor Bong Gordon kamakailan sa isang mamahaling beach resort sa loob ng Subic Bay Freeport.

Martes at overnight hanggang Miyerkules, nag-preside sa StratPlan ang pamangkin ni Mayor Bong Gordon na si Jimmy Loren-zana, alyas JLo na wala namang opisyal na designation sa city hall at ang topic nga ay kung paano magagamit ang mga departamento ng gobyerno para sa darating na eleksyon sa 2013.

Ayos lang ang may plano, gaya ng nasabi na natin, pero tama ba naman na pera ng bayan ang gamit para sa sariling pulitika at mga departamento pa ng pamahalaan ang sapilitang gagamitin sa kalokohan.

Desperado talaga ang kampo ni Gordon, wala kasing panlaban na malakas sa darating na halalan.

Last term na si Bong Gordon bilang meyor at sa kongreso lang ang pwedeng puntahan kung saan mukhang mapag-iiwanan pa ng napipintong makakalaban na sina dating Subic town Mayor Jeff Khonghun at dating SBMA Director Jobo Magsaysay na anak ni graduating Congresswoman Mitos Magsaysay.

Sa desperasyon nga ni Bong Gordon ay hiniling pa nito kamakailan sa kampo ng mga Magsaysay na ihiwalay na ang Olongapo sa 1st District ng Zambales para maging lone district pero pinagtawanan lang siya ng mga Magsaysay.

Sa ngayon, si Cong. Mitos ang tinatayang pinakamalakas na magiging kandidato sa pagka-Mayor ng Olongapo kung hindi ito tatakbo para sa Senado habang nakaabang ang kasalukuyang vice mayor na si Rolen Paulino.

Sa tantiya natin, Mayor ang pupuntiryahin ni Cong. Mitos dahil kahit popular nga sa buong bansa, masyado naman siyang identified sa punit-punit na dating Pangulong Gloria Arroyo na ngayo’y kinatawan sa kongreso ng Veterans Memorial Hospital, este, 2nd District ng Pampanga.

Ang pinakamabigat na bagahe ng mga Gordon sa darating na halalan ay mismong ang nag-preside sa stratPlan na si JLo dahil, isa sa napakaraming dahilan, maraming businessmen ay iniisip na kapag Gordon pa rin ang nasa city hall, lahat silang may singilin sa pamahalaan ay dadaan pa rin kay JLo kahit wala naman itong opisyal na trabaho sa gobyerno.

Kung ang mga taga-city hall mismo ay hindi masikmura si JLo, talagang namimiligro ang mga Gordon sa darating na halalan sa Olongapo. Ito Ang Totoo.

***

Ipaabot sa Ito Ang Totoo sa pamamagitan ng txt ang inyong mga mensahe sa cp no. 09994001162 o sa Facebook http://www.facebook.com/pages/Ito-Ang-Totoo-Remate/143876209055760

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply