Dagdag-singil ng Meralco aprub na rin sa ERC

HINDI lamang ang National Power Corporation (Napocor) ang magtataas ng singil sa kuryente sa Abril kundi maging ang Manila Electric Company (Meralco) nang aprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang kanilang hiling.

Dahil dito, nangangahulugan lamang na maipapasa na ng nasabing kumpanya sa kanilang mga konsyumer ang P2 bilyon na ibinayad para sa franchise tax na umano ay “1990’s pa na-accumulate ayon kay Larry Fernandez, pinuno ng Utility Economics ng Meralco.

Nakatakda namang tumaas sa 0.04 sentimo kada kilowatt-hour (kWh) depende sa lugar ang sisingilin ng Meralco na epektibo rin sa buwan ng Abril hanggang sa susunod na limang taon.

Kahapon ay una nang inaprubahan ng ERC ang hiling ng Napocor na 0.69/kWh sentimo taas-singil sa Luzon, P0.60 sa Visayas at P0.04 sa Mindanao.

Dahil nasa 40 porsiyento ng suplay ng kuryente ng Meralco ang galing sa Napocor, ang epekto sa kumukonsumo ng 101 kWh kada buwan ay nangangahulugang magtataas ng P28 at P56 naman sa 200 kWh ang gamit.

Ayon sa ERC, wala man sa panahon ang kanilang pag-apruba sa hiling ng Napocor at Meralco dahil na rin sa walang habas na pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin, minarapat na nilang gawin ang hakbang kaysa magnegatibo sa operasyon ang nasabing mga kompanya na taumbayan naman ang maaapektuhan.

Sa May billing na mararamdaman ang dagdag na singil sa kuryente.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply