Dakpin si ‘Erwin’

KAILANGANG madakip at masampahan ng kaukulang kaso ang isang nagngangalang ‘Erwin’ para mahinto ang operasyon ng sindikato na nasa likod ng iligal na pagpapatitulo ng public lots sa Calabarzon area (Region 4-A).

Ganito ang pahayag ng informant ng Chokepoint na nakaaalam sa gawain ng isang sindikato na kumikilos sa mga lalawigan ng Batangas, Quezon, Cavite at iba pang lalawigan sa katimugang Tagalog.

Ang sindikato na pinamumunuan ng isang alyas ‘Erwin’ ay nakapagpatitulo na umano ng ekta-ektaryang lupain na pag-aari ng gobyerno at naisalya (naibenta) ng daang milyong piso, kuwento ng informant.

Ganito ang modus operandi ng grupo ni ‘Erwin.’

Sa pamamagitan ng kanilang ‘contacts’ sa Bureau of Land, Department of Environment and Natural Resources at Land Registration Office, naa-identify nila ang mga government lot.

Sa tulong na rin ng mga ‘kakutsaba’ sa BoL, DENR at LGO, nakakukuha at nakagagawa ang sindikato ng mga dokumento para ang mga tinatarget na lupa ay magawan nila ng titulo, saka ito ibebenta sa ‘contacts’ din na negosyante.

Bukod sa mga kakutsaba sa mga ahensya na ito ng gobyerno, ang grupo ni ‘Erwin’ ay may ‘contacts’ o kakutsaba rin sa Local Government Units para mapadali ang pagsasaayos nila ng titulo sa mga target na government lot.

Sinabi ng informant na ilang alkalde sa Calabarzon area ay ‘batid’ ang gawain na ito ni ‘Erwin’  at ng kanyang grupo, pero dedma lang daw ang mga mayor na ito dahil sila’y nababahaginan din ng sindikato.

Dapat kumilos ang kinauukulan – ang Palasyo, lalo na,  dahil kung magpapatuloy ang gawain na ito ng nasabing sindikato, baka ang buong Calabarzon area ay magiging pag-aari ng contacts na mamimili ng lupa ni ‘Erwin’.

PAGING GENERAL PAGDILAO, SIR.

Matigas ang ulo ng isang ‘Mang Ramon’ na nakatira riyan sa Pilipinas St., Towerville, Barangay Sto. Cristo, San Jose Del Monte City, Bulacan. Si Mang Ramon ay may video karera machine sa kanyang bahay na kinalolokohan daw ng mga batang mag-aaral ng
kalapit na eskwelahan.

Pinakikiusapan natin si CIDG director Gen. Sammy Pagdilao at  Region 3 director Gen. Edgardo Ladao na ipahuli si Mang Ramon para mahinto na ang palaging inirereklamong vk sa kanyang bahay. Paging Gen. Pagdilao at Gen. Ladao, sir.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply