Dating hot siopao, hot mama na ngayon!

SEKSI na naman ang Young Superstar na si Judy Ann Santos nang humarap sa presscon ng bagong ini-endorse nila ni Yohan ang isang brand ng keso. Nasa ideal weight na siya na 113 lbs. at puwede na ulit buntisin. Okey lang naman sa kanya kung mabuntis siya ulit dahil dream niya na magkaroon ng tatlong anak.

Ano kanyang sikreto sa kaseksihan niya ngayon?

“Happy life,” tugon niya kasama roon ang di­siplina sa sarili at commitment na pumayat.

Sey ni Juday, kumakain pa rin siya ng junk food o fast food kapag gusto niya pero may kapalit ‘yon na exercise.

“It should always come from your heart, it should always come from yourself, ’di ba?”

Ang diet program ni Juday, every morning ay fresh juice and veggies ang kanyang iniinom at kinakain and then yogurt, cereals. Pero hindi naman daw niya dine-deprive ang sarili niya sa pagkain na gusto niya.

“Kinakain ko ang gusto kong kainin pero at the same time, may kapalit ’yun na exercise kinabukasan, like tak- bu-takbo or kakargahin ko si Lucho ng dalawang oras, akyat-panaog ako sa hagdan. May ways kung paano ka mag-exercise nang hindi ka gagastos. Sa internet lang ang daming workout videos na puwedeng i-download, libre pa.”

Isang certified ‘hot momma’ ang dating ngayon ni Juday. Anong masasabi niya rito?

“Nakatatawa. Nakapa-flatter. Kahit kailan, hindi ko naisip na darating ako sa puntong tatawagin akong hot momma.”

“Ang tawag sa akin noon, hot siopao! Malay ko naman?” reaksyon niya na tumatawa.

Bakit hindi na lang niya pangatawanan ang kanyang pagiging ‘hot momma’ at mag-pose sa men’s magazine?

“Baka naman ipagkanulo ako ng mga anak ko pagdating ng panahon. Pag ginoogle nila ‘yan, makikita nila ang nanay nila, nasa men’s magazine!

“Ibigay na natin ‘yan sa mga mas nakababata! Hahaha! Sa mga mas may karapatan, ‘yung may mas malalaking dibdib. ‘Yung gano’n,” bulalas pa niya.

Tinanong din si Juday kung nagti-Twitter siya.

“Hindi po. Hindi naman sa ayaw, hindi lang ako… though nagbabasa ako ng Twitter kasi naaaliw ako sa mga nababasa ko, sa mga topic, sa mga comment. Iba rin kasi ’pag nakikita mong pinag-uusapan ka ng mga tao. For some reason, nakaka-feel-good na nalalaman mo ang iniisip nila.

“Pero ako personally, hindi ako sumali sa Twitter, kasi siguro alam ko sa panahon ngayon, lahat ng tao may opinyon. Lahat ng tao, may kapasidad magsalita nang masasakit at hindi naman ito nasasala. Hindi naman ito dumaraan sa MTRCB.

“So, might as well… gusto ko kasi ng payapa na araw, ayoko ng nai-stress, ayoko ng naiinis ka. At saka siguro, sanay na rin naman ako sa alipusta. Okay na ako ro’n, quota na ako.”

So, umiiwas lang siya sa mga basher and hater?

“Meron naman ako no’n mula’t sapul, eh. So, parang paano mo ba ilulugar ’to? Parang what you don’t know won’t hurt you, eh, ’di ba?”

Kasunod nito ang tanong kung ano ang masasabi niya sa mga pumapatol sa bashers at isa na nga rito ay si Sharon Cuneta, isa sa matalik niyang kabigan.

“Ang masasabi ko lang… may mga pagkakataon kasi na bilang isang ina, kung ikaw lang naman ang aalipustahin, okay lang. Kasi kaya ko. Pero ’pag anak mo na ’yung kinanti, kahit naman sinong santa, lalabas at lalabas ang sungay.

“Parang hindi na ’ata makatao ’yung mga sinasabi rin. Siguro, they have their own reason, but siguro darating din ang panahon na kapag naging magulang na sila, kung mga bata man ito or mga dalaga’t binata ang gumagawa ng ganitong salita, ’pag naging magulang sila, mararamdaman nila ’yung pinanggagalingan ng magulang ngayon.”

Pero ang involved kasi ay ang dating leading man niyang si Piolo Pascual, ano ang masasabi niya tungkol dito?

“Ah, sa totoo lang, feeling ko, lahat naman nang ito, nanggaling doon sa naganap na hiwalayan (nina Piolo and KC Concepcion), ’di ba?

“It’s a personal thing, ito ang isang bagay na hindi natin dapat pakialaman kasi dalawang tao lang naman ang talagang involved dito, hindi tayo kasama diyan.

“Naiintindihan ko na may mga taong gustong protektahan ang mga idolo nila. Pero sa ginagawa nilang pagpuprotekta, napapasama rin pati mga idolo nila.

“So, kung anuman ang naging issue with KC and Piolo, wala namang hindi nadadaan sa matagal na panahong pagpapahinga, hindi ba?

“Bigyan natin ng time, bigyan natin ng espasyo silang dalawa. Relax na, hayaan na natin. Kasi silang dalawa are trying to move on pero may mga tao sa paligid nila na hindi maka-let-go.

“Hayaan na lang natin silang maging masaya. Naku, itong mahirap, paglabas ng interview na ito, I’m sure ako naman ang may mga basher,” sambit pa ni Juday.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply