Depekto sa Globe imbestigahan

MAY napansin ba kayo na pagbabago sa paggamit ng cellphone na may linyang Globe?

‘Yun bang === kakumpitensya ng Smart at Sun?

SARILI ANG KAUSAP

Sa sariling karanasan ng ULTIMATUM, kapag tumatawag siya gamit ang Globe, anak ng tokwa, malimit na yung sarili niyang boses ang naririnig niya.

Parang nasa loob pa ng isang building na ume-echo ang boses kahit nasa labas siya ng building.

Paulit-ulit ang pangyayaring ito.

Alam ba ninyo ang epekto nito, mga Bro?

Eh di, wala kang makausap na kahit sino.

Ang masama pa, gumagastos ka na pawang pumapasok naman sa kaban ng Globe.

Paano ang iyong international call na napakamahal?

Ano ang mangyayari sa bahagi ng mga Overseas Filipino Worker na gumagamit ng Globe?

Paano ang mga negosyante na ang oras ng pagtawag para sa mga transaksyon ay napakahalaga.

Paano ang mga transaksyon na napakalalaki ang halaga na nagaganap lamang sa pamamagitan ng tawagan sa cellphone?

HINDI MO MARIRINIG

May isa pa, mga Bro.

Kapag tumawag ka, gamit pa rin ang Globe, madalas na marinig mo ang kausap mo pero hindi ka niya maririnig.

Eh di tatawag ka ulit.

Ganun pa rin, mga Bro, ang nagaganap.

Pangatlo, pang-apat na tawag, posibleng maka-connect ka na. Ang mga problema rito ay katulad din ng nabanggit na natin sa itaas.

Unang tatama sa iyo ang pagkaubos ng iyong load — kung prepaid.

Kung hindi prepaid, lalagpas ka sa minimum na tawag na may katumbas na bayarin at doon ka na sisingilin ng mahal ng lintek na Globe na ito.

TEXT MESSAGE NATATRAPIK

Kalimitang tumatawag tayo, mga Bro, para mabilis ang komunikasyon.

Hindi tayo gaanong nagte-text dahil mabagal ang dating nito sa gusto nating makausap.

Madalas pa ngang ang text message ay natatrapik.

Nakaranas na tayo ng pagpapadala ng text message na inaabot ng limang oras.

Eh kung negosyo, emergency at iba pang importanteng mensahe ang gusto nating ipaabot, disgrasya ang aabutin natin sa text message.

OVERLOADED ANG GLOBE

Hindi tayo eksperto sa linya ng ganitong komunikasyon, mga Bro.

Pero alam natin na may mga cellsite ang Globe.

Sa cellsite na ganito, may takdang dami ng mga konsyumer na gumagamit nito.

Hindi kaya kulang na kulang ang capacity ng cellsite para sa lahat ng mga may cellphone sa paligid nito?

Sa malawak na usapin,  hindi kaya kulang na kulang ang kakayahan ng Globe na serbisyuhan ang lahat ng mga kostumer nito?

Kaya palpak ang serbisyo nito.

Pero sa kapalpakan na ating nabanggit, kinakain ng Globe ang salapi natin na ipinambibili ng ating load, prepaid man o hindi.

PAGING NTC

Dapat na bigyan ng atensyon ng National Telecommunications Commission ang ganitong problema.

Dapat na mag-imbestiga ito dahil hindi lang ang ULTIMATUM ang nakararanas ng palpak na serbisyo ng Globe.

Sa katunayan, marami pa ang mga problema gaya ng pagkawala ng load ng mga subscriber.

Isa pa ang pagtanggap lang ng reklamo ng Globe pero hindi naman umaaksyon.

Napapansin pa ng maraming subscriber ang dami ng mga mensahe na hindi naman nila hinihingi.

Pagkatapos, kapag nag-reply ka na i-stop mo ang pagpapadala ng mensahe, nababawasan, mga Bro, ang iyong load.

Ilang milyon ang biktima ng ganitong sistema ng Globe?

KAINUTILAN BAGUHIN NA

Hanggang sa araw na isinusulat natin ito, wala pa tayong nababalitaan na aksyon ang NTC sa mga reklamo.

Palatandaan ng aksyon ang pagbabalita sana ng NTC na inimbestigahan at pinagmulta nila ang Globe sa ganito o ganyang halaga.

Zero tayo sa balita mula sa NTC sa mga usaping ganito. Sana naman ngayon, makarinig tayo ng sagot sa ating inirereklamo.

SI MANONG JOHNNY LANG

Ang natatandaan lang natin na pinakinggan ng NTC na reklamo ay yung kay Manong Johnny Ponce Enrile.

‘Yun bang === biglang pagkawala ng load niya kahit na hindi niya nagagamit ang kanyang cellphone.

Hayun at misteryosong ibinalik ng mga magnanakaw na cellphone company ang kanyang load.

Pero pagkatapos nito, tuloy ang ligaya ng mga tarantadong kompanya.

Tuloy ang pagnanakaw ng mga ito sa milyon-milyong subscriber.

Ang masakit, wala nga tayong nababalitaan na aksyon ng NTC.

GLORIA’S TIME

Noong panahon ni Aling Gloria, wala tayong nabalitaan na aksyon ng NTC.

Meron naman silang pagsisikap na ibaba ang bayad ng text message at ibaba ang interconnection fee para umano sa mamamayan.

Pero sa nakawan sa load? Wala tayong narinig, mga Bro, kahit imbestigasyon man lamang.

Hanggang ngayon nagpapatuloy ang ganitong gawain.

Dahil nagbago na ang panahon, panahon na ngayon ni PNoy, inaasahan nating magkakaroon na rin ng pagbabago diyan sa NTC.

Lalo na ang pagkalinga sa mga biktima ng mga magnanakaw ng load.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring itawag o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply