DFA aminadong hirap na sa pagpapalikas ng OFWs

INAMIN ng Department of Foreign Affairs (DFA) na hindi madali para sa mga miyembro ng rapid response team (RRT) na ilikas ang mga naiipit na overseas Filipino worker (OFW) sa Syria.

Sa isang kalatas, sinabi ni Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario na pumapasok sa mga mapanganib na mga lunsod at bayan sa Syria ang grupo upang sunduin ang mga naiipit na mga kababayan upang mailikas sa mas ligtas na lugar bago mapabalik sa Pilipinas.

Bukod sa pagpasok sa tinaguriang ‘no man’s land,’ nakikipag-usap din ang RRT sa mga employer upang hingin ang pahintulot ng mga amo upang ilipat na ang pangangalaga sa kamay ng mga opisyal ng embahada ang mga OFW, kasama na ang pagbabayad sa iiwang kontrata.

Nakikipag-usap din ang mga miyembro ng RRT sa mga immigration official sa Damascus upang mabigyan ng travel document ang mga OFW at bayaran ang kaukulang multa, dagdag pa ni del Rosario.

Nagpapasalamat din ang kalihim at hanggang sa ngayon ay walang naiulat na namatay o nasugatang OFW sa tumitinding bakbakan sa pagitan ng mga kontra at kampi kay Syrian President Bashar al-Assad.

Sinabi naman ni DFA Assistant Secretary Raul Hernandez na umaabot na sa mahigit 1,000 mula sa kabuuang 9,000 OFWs sa Syria ang pumaloob na sa sapilitang pagpapalikas na ipinatutupad ng pamahalaan.

Nanawagan din ang tagapagsalita ng kagawaran sa mga kababayan na may kaanak na OFW sa Syria na makipagtulungan sa kanilang tanggapan upang malaman ang lokasyon ng mga kamag-anak sa Damascus at mailikas ang mga ito sa mas ligtas na lugar.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply