DFA hirap sa repatriation ng OFWs sa Syria

INAMIN ng pamunuan ng Department of Foreign Affairs (DFA) na hirap silang maipatupad ang mandatory repatriation sanhi ng pagtutol na rin ng maraming overseas Filipino workers sa bansang Syria.

Sa pahayag ni Ambassador Ricardo Endaya, hindi lamang ang pagkumbinsi sa mga OFW ang nagiging problema nila kundi pati na rin ang paghahanap sa mga Pinay na nagtratrabaho bilang domestic helper at ang hindi pagbibigay ng exit visa ng kanilang mga employer.

Sinabi ni Endaya na maraming mga mayayamang employer sa Syria ang tumatangging bigyan ng exit visa ang mga Pinay domestic helper dahil ayaw nilang mawalan ng kasambahay na makakatuwang nila sa mga gawaing bahay.

Aminado rin si Endaya na sa kabila ng isinasagawa nilang mga hakbang para mapauwi ang mga OFW sa Syria, marami pa ring mga Pinoy ang nagtutungo sa magulong bansa upang makahanap ng trabaho sa kabila ng susuunging panganib.

Marami na aniya silang nakausap na OFW na nagtutungo muna sa bansang Malaysia bilang turista na tutungo sa Abu Dhabi at mula rito ay tutuloy na sa Syria kung saan may sasalubong na sa kanila para sa naghihintay na trabaho.

Nilinaw din ni Endaya na pinapunta siya sa Syria ni Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario hindi bilang itinalagang ambassador kundi upang tumulong lamang sa isinasagawang repatriation ng mga OFW sa nasabing bansa.

Wala aniyang nakatalagang ambassador ang Pilipinas sa Syria bagama’t mayroon aniyang nakatalagang Charge de’ Affaires sa katauhan ni Olivia Palala na umaasikaso sa mga dokumento ng mga OFW na nakatakda nang pabalikin sa Pilipinas.

Batay sa rekord ng DFA, umaabot sa mahigit 7,000 ang mga manggagawang Pinoy ang nagtatrabaho sa Syria habang mahigit 1,000 pa lamang ang kanilang napapauwi sa Pinas.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply