DFA: Pinay patay sa ambush sa Syria

INIULAT ngayon ng Department of Foreign Affairs (DFA) na isang overseas Filipino worker (OFW) ang napatay sa ambush sa Syria.

Kinilala ng embahada sa Damascus ang biktima na si Meran Prieia Montezor, 23 anyos at tubong Camarines Sur.

Ayon sa ulat na tinanggap ng kagawaran, Pebrero 24, nang tambangan ang sasakyan na lulan si Montezor kasama ng mga amo sa lungsod ng Homs.

Nakaligtas sa nasabing pananambang ang mga amo ni Montezor.

Naganap ang pag-atake sa sasakyan bandang alas-onse ng umaga malapit sa industrial district ng Homs, ayon pa sa ulat ng Ministry of Foreign Affairs ng Syria.

Nakikipag-ugnayan na rin ang mga opisyal ng embahada sa pamahalaan upang madala ang labi ni Montezor mula Homs patungong Damascus, kung saan isasakay ito pabalik ng Pilipinas.

Nanawagan din si Philippine Charge d’ Affaires Olivia Palala sa pamahalaan ng Syria na masusing imbestigahan ang insidente upang mahuli ang mga akusado sa pagpatay kay Montezor.

Naniniwala naman ang grupong Migrante na hindi lamang si Montesor, kundi may dalawa pang OFW ang biktima ng bakbakan sa Syria.

Ayon sa Migrante International, tumanggap sila ng impormasyon na natagpuang patay sa kalsada sa Damascus noong Enero 5 si Violeta Cortez, 40-anyos at tubong San Pablo, Laguna, habang may isang pang hindi nakilalang OFW ang tinamaan ng ligaw na bala sa Homs noong nakalipas na Nobyembre.

Gayunman, hindi naman makumpirma sa DFA ang nasabing pagkamatay ng dalawang nabanggit na OFW.

Samantala, patuloy pa rin ang repatriation ng mga Pinoy na naiipit sa Homs, Hama, Idlib at Dara’a, ayon kay DFA Assistant Sectary Raul Hernandez.

May kabuuang 1,120 OFW na ang nailikas mula sa Syria ng Rapid Response Team ng pamahalaan makaraang itaas sa alert level 4 ang sitwasyon sa Damascus.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply