Dibdib muna bago tuhod

“HEART first then the skills.” Ito ang katagang binigkas ni Kolonel Toto Parcon ng Marines hinggil sa mga pangunahing pangangailangan ng isang manlalaro ng soccer. Sa mga katagang nabanggit, maaaring maihambing ang puso ng isang manlalaro sa tibay ng kanyang dibdib at ang kanyang kahusayan naman sa tatag ng kanyang tuhod. Naniniwala kasi si Kolonel Toto na akmang-akma ang soccer para sa tauhan ng Navy kasi ang soccer ay isang laro na binubuo ng estratehiya, kahusayan, at maigting na damdamin at pagmamahal sa laro.

Ayon pa sa kanya, ang isang Navy ay magiging magaling sa soccer dahil ang kanyang pagsasanay at pag-aaral sa pakikidigma, sabay ng lakas ng katawan, ang magbibigay sa kanya ng tibay ng dibdib at tatag ng tuhod upang tuparin ang kanyang mga tungkulin sa loob at labas ng nasabing laro.

Sa larangang ito binuo ng Navy ang Philippine Navy Football Development Program (PNFDP). At bunga nito, karamihan sa national team ng Pinas sa football ay mula sa Navy tulad ng sa Singapore, Thailand at Indonesia kung saan ang kanilang national teams ay binubuo karamihan ng mga kasundaluhan.

Isa sa mga layunin ng PNFDP, bukod sa pagpapaunlad ng laro sa mga Mandirigma at Mandaragat ng Navy, ay ang pagpapalawig ng interes sa laro mula sa mga kamag-anakan ng mga tauhan ng Navy o iyong “dependents” nila.

Mayroong “clinics” sa paghahasa ng kahusayan sa paglalaro para sa mga dependent at mayroon din itong programa sa pag-recruit ng mga bagong players mula sa mga bagong tauhan ng Navy. Ayon sa programa, ang kaalaman at karanasan sa laro ang magbibigay-daan upang higit pang mapalawak ang interes para sa laro mula sa lahat ng tauhan at dependent ng Navy.

Natural, hindi nakakulong lamang sa loob ng komunidad ng Navy ang programang ito. Bukas ang pinto ng Navy para sa lahat ng mga kaibigang anak ng dagat upang palawigin pa ang interes sa laro. Kasunod nito, naniniwala ang pamunuan ng Navy na sa pamamagitan ng mga palarong tulad nito, ang kanilang pang-araw-araw na gawain sa karagatan ng Pinas ay higit na mapabubuti dahil sa pagpapaunlad ng matibay na dibdib at matatag na tuhod.

At syempre, sa tulong at suporta ninyong mga kababayan, kayang-kaya ng Navy ang lahat nang ito!

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply