Divide and rule sa tsuper at pagtatago ng SALN

HINDI natin gaanong maintindihan ang takbo ng gobyerno sa ngayon.

Makunat pa sa inuyat itong tumugon sa mga problema ng mamamayan.

Kapag nagkakagulo na, saka lang kumikilos ang mga nakaupo riyan.

FARE HIKE NG LTFRB

Tingnan na lang ninyo itong Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

Ibibigay rin lang pala nito ang fare increase na P.50 sa mga tsuper.

Pero hinayaan muna  nitong magkaloko-loko ang kalagayan sa lansangan.

Ang daming nadaramay sa mga rali na isinasagawa  ng mga tsuper na talaga namang gipit na gipit na sa sobrang mahal na petrolyo.

Mula sa araw na ito magiging epektibo ang fare hike.

At mariing sinabi ng LTFRB na babawiin nito ang ang P.50 fare hike kung babalik na ang presyo ng diesel sa P45 kada litro.

Meron palang basehan ang mga tsuper ng mga pampublikong sasakyan para sa fare hike pero bakit inabot ang LTFRB ng siyam-siyam bago nagdesisyon?

Pero ang talagang dahilan ng mga tsuper ay tumitinding kawalan ng kita na dahilan para sila magutom at maghirap nang todo.

At mauunawaan ito tiyak ng mamamayan.

SINISIRA ANG GOBYERNO

Isa sa mga ikinasisira ng gobyerno ni Pangulong Noynoy Aquino ang style ng pamamahala na katulad ng sa LTFRB.

Ang pagtulog sa mga problema ang pinagmulan ng uso ngayon na Noynoying na ang tinatamaan ay si Pangulong Noynoy.

Pero hindi ba nagaganap ang mga ito dahil sa kapalpakan ng mga nakapaligid sa kanya?

Baka naman ibinubulong kay Pangulo na ayos lang ang lahat pero ang totoo, sumasabog na pala ang problema?

At hindi ang mga nakapaligid kay Pangulo ang nagugutay kundi ang Pangulo mismo.

DIVIDE AND RULE

Kapag sumasabog na ang poot ng katulad ng mga tsuper at operator ng mga pampublikong sasakyan, saka lang nararamdaman ng mga nasa gobyerno ang kanilang mga kamalian at kapabayaan.

Pero sa halip na tugunan ang mga batayang problema ng mga ito, nakikipaglaro ang mga nasa gobyerno sa mga ito para umiwas sa pagharap sa mga problema.

Pinaiiral ng mga ito ang divide and rule.

Pinahihina ng mga nasa gobyerno ang malakas na puwersa ng mga tsuper at operator para sa pagbabago sa pagpabor sa isang grupo at pagkakait sa isang grupong anomang atensyon.

At kung manghina, halimbawa sa welga ang isang grupo, ito na ang ibinabalitang maganda ng mga tsuwariwap kay Pangulo?

Pero habang nagaganap ito, anak ng tokwa, hindi natutugunan ang mga problema.

EVAT SA LANGIS

Titigil man pansamantala ang ilang grupo sa kababanta ng welga dahil sa P.50 fare hike na alam naman ng lahat na consuelo de bobo lamang, nananatili ang hambalos ng problema sa mahal na petrolyo.

‘Yang expanded value added tax sa langis ang nakikita ng mga biktima ng mahal na langis na isang dahilan ng malaking dahilan ng kanilang gutom at paghihirap.

Ano-ano na ang ginagawa ng mga nakapaligid kay Pangulo ukol dito?

OIL DEREGULATION LAW

Itong oil deregulation law ay matindi rin.

Sa totoo lang, maliban sa pagtaas ng presyo ng langis sa international market, ang talagang nagpapataas ng presyo ng langis sa Pinas ay ang Oil Deregulation Law.

May krisis o wala sa suplay o sa presyo sa labas ng bansa, kung ano ang gustong presyo sa langis ng mga kompanya ng langis ay yun ang masusunod.

Ang kapangyarihang gumawa nito ay galing mismo sa Oil Deregulation Law.

Anak ng langis, lumalabas tuloy na walang silbi ang batas na ito.

Ipinangangalandakan ng gobyerno noong ginagawa ang nasabing batas na magiging mura ang petrolyo sa oras na mapairal ito.

Naku, baligtad ang nangyari.

Noong 1998 na pagkapasa ng nasabing batas, ang gasolina ay nasa P13 lang kada litro at ang diesel ay nasa P8 lamang.

Ngayon ay P50 na ang diesel at ang gasolina ay mahigit nang P60 kada litro.

Ano ang nangyari at bumaligtad ang lahat?

Walang silbi ang ganitong batas.

Ngayon ano ang ginagawa ng mga tauhan ni PNoy na magrebyu sa mga batas na kanilang pinaiiral upang makapagsagawa sila ng mga kaukulang panukala sa Kongreso?

AYAW KAUSAPIN ANG PANGULO

Tingnan ninyo, ayaw nang makipag-usap ang mga tsuper at operator sa mga taga-LTFRB, Land Transportation Office, Department of Energy at ibang ahensiya ng gobyerno, ayaw pa nilang makipag-usap kay PNoy.

‘Yan ang ibinubunga ng kawalan ng silbi ng dapat na magtrabaho at kaagapay ni PNoy sa pagpapagaan sa kalagayan ng mamamayan.

Ngayon, mga Bro, wala bang balasahan diyan?

AYAW MAKITA ANG SALN

May nagmungkahi na ilabas lahat ng mga matataas na opisyal ng gobyerno ang kanilang Statement of Assets, Liabilites and NetWorth.

Bakit mas marami ang umangal kaysa tumango?

Hmmm. May ibig sabihin niyan, mga Bro. Mas marami ang may itinatago.

Akala ko ba, hindi nila katulad si Chief Justice Renato Corona na inaakusahang may itinatagong yaman mula sa SALN nito.

Sino-sino ang mga umaayaw sa paglabas ng SALN sa publiko, huh?

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring itawag o i-text sa 09214303333.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply