Doc Gerry Ortega at ang Mindanao blackout

BINABATI natin ang lahat ng mga nagtutulong-tulong na maihatid ang hustisya sa pamilya ni Doctor Gerry Ortega sa Palawan.

Nadakip na ng Criminal Investigation and Detection Group-MIMAROPA sa ilalim ni Supt. Nastario Fernandez ang apat sa mga sangkot sa pag-murder kay Doc Gerry na isang broadcaster ng ABS-CBN Palawan.

Kinilala bilang utak ng nasabing krimen si dating Palawan Governor Joel T. Reyes, kasama sina Coron, Palawan Mayor Mario Joel T. Reyes at dating Palawan Administrative Officer Romeo Serratubias. Bale apat na silang arestado sa pagpaslang, mga Bro.

Inaresto sina Reyes sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Regional Trial Court ng Puerto Princesa, Palawan.

MALAYO PANG KATARUNGAN

Kung iisipin, batay na rin sa pagtakbo ng katarungan, malayo pa ang panahon para malaman ang katotohanan kung sina Reyes nga ang nasa likod ng pagpaslang kay Ortega.

Itong pagkilala at pag-aresto nga lang kina Reyes ay inabot ng mahigit isang taon.
Muntik pang sumablay ito nang mailihis nina Reyes ang nagtuturong daliri sa kanila noong una.

Dahil sa pressure ng media na walang tigil upang makalkal nang husto ang kasong ito, kumilos din sa wakas ang Department of Justice upang palalimin ang kaso hanggang sa nabuo ang paniniwalang sina Reyes nga ang may kagagawan ng pagpaslang.

5 TAON SA RTC?

Batay sa takbo ng mga pagdinig ng ganitong mga kaso sa regional trial court, maaaring umabot ito sa limang taon.

Pero dahil sa maiimpluwensya ang mga akusado at gagawin ang pagdinig sa Palawan mismo, marahil ay lalagpas ang panahon ng pagdinig sa limang taon.

Iniisip nga natin na maaaring hahantong ang pagdinig sa paglilipat ng venue lalo na kung magiging delikado ang buhay ng huwes na dirinig sa kaso. Isang problema rin ang katatagan ng piskal na hahawak sa kaso na maaaring ma-harass din.

Hindi natin alam kung magaganap ang pagpapalit-palit  ng mga huwes at piskal sa panahon ng pagdinig at isa ito sa mga makaaapekto sa takbo ng katarungan.

KULUNGAN BANTAYAN

‘Yang kulungan din ay dapat na pansinin.

Ang daming nakalalayang kriminal dahil sa kagaguhan o kapabayaan ng mga jail guard.

May gumagawa ng pera sa kulong-laya na mga jail guard at nawawalan ng saysay ang mga pagpapagod at pagsusunog ng kilay sa pagdakip na katulad nina Col. Fernandez.

Matapos kasing  makaaresto ang mga parak at magkaroon na ng tinatawag na jurisdiction ang mga hukuman, inililipat ang mga akusado sa krimen sa mga kulungan na kontrolado ng Bureau of Jail Management and Penology.

Doon hindi na ang mga arresting officer na parak ang may kontrol sa mga akusado kundi ang BJMP.

Saka na lang eentra ulit ang mga parak kung patatakasin ng mga tarantadong jail guard ang mga bilanggo.

KALAYAAN SA PAMAMAHAYAG

Nang mabaril at mapatay si Doc Ortega, naging isang panibagong dagok ito sa napakadelikadong kalayaan sa pamamahayag ng mediamen at mamamayan sa bansa.

Kaya naman sumabay tayo sa lahat ng sektor na manawagan para sa pagbabalik ng katinuan sa ating lipunan, kasama na ang pagrespeto at pagpapahalaga sa kalayaan sa pamamahayag.

Nagsama ang National Press Club na pinamumunuan ni Kuyang Jerry Yap at ang Alyansa ng Filipinong Mamamahayag na pinamumunuan ng inyong abang lingkod para suportahan ang laban ng mga Ortega para sa katarungan.

Naniniwala tayo na ang tagumpay ng katarungan para kay Doc Gerry ay tagumpay na rin ng mahal nating Press Freedom.

MAGTULONG-TULONG TAYO

Ang kaso ni Doc Gerry ay kinapapalooban ng isa pang pamamaslang sa mediamen na gamit ng mga kriminal ang kanilang mga kapangyarihan at impluwensya sa pamahalaan.

Maalaalang minsan na ring minasaker ang ating hanay ng mga diyos sa Maguindanao mahigit dalawang taon na ang nakararaan.

Kaya naman, dapat magtulong-tulong ang lahat ng mediamen laban sa mga pinaniniwalaang mga salarin dito.

Dapat tulungan nating maging matatag ang huwes, piskal, jail guard, abogado at iba sa kanilang tungkulin na ipaglaban ang katarungan.

Good luck sa lahat ng maglaan ng kanilang sarili, panahon at anomang bagay na kanilang maiaalay sa pamilya Ortega sa mga panahong ito hanggang sa matapos ang paglilitis.

Sana naman, may magandang kahihinatnan ang kasong ito.

PESTENG BLACKOUT

Hindi na kaila sa atin ang nagaganap na blackout sa Mindanao.

May blackout dahil sa kakulangan umano ng suplay ng kuryente sa lugar dahil sa pagdating ng tag-araw. Pangunahin kasing hydropower plant ang lumilikha ng kuryente.

Kung kulang ang tubig sa mga dam, natural na liliit ang kuryente na malilikha mula rito.

Kaya may mga blackout at brownout.

MANIOBRA SA POWER HIKE

Pero ano itong lumalabas na paniniwalang minamaniobra ang blackout at brownout para magmahal ang kuryente sa Mindanao.

Maaga pa kasi umano para sabihing natutuyo na ang mga dam na may planta ng kuryente.

Anak ng tokwa, kung totoo ito, dapat ilagay sa electric chair ang mga animal na gustong kumita kahit magkandaletse-letse ang buhay ng mamamayan.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring itawag o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply