DOH: 4 na patay sa typhoid sa Tuburan, Cebu

UMAKYAT na sa apat ang bilang ng mga namatay dahil sa typhoid outbreak sa Tuburan, Cebu, ayon sa ulat ng Department of Health.

Batay sa pinakahuling bulletin na ipinalabas ng Kagawaran, isang 7-anyos na batang babae na mula sa barangay Cogon, ang pinakahuling naitalang biktima ng sakit.

Samantala, lumobo na rin sa 924 ang bilang ng mga dinapuan ng naturang sakit, matapos na madagdagan ng 254 kaso ang 670 biktima na unang naitala noong Linggo.

Bukod naman sa 7-anyos na batang babae, nabatid na kabilang sa namatay sa sakit ay isang 22-anyos na lalaki na residente ng Poblacion, isang 23-anyos na babae na residente ng Barangay Maghanay at 35-anyos na babae mula sa Barangay Kagbao.

Karamihan umano sa mga biktima ay uminom ng tubig mula sa local water works.

Lubos na naapektuhan ang Barangay Poblacion 1-8 gayundin ang Barangay Cogon.

Anang DOH, ang mga biktima ay nakaranas umano ng panghihina, mataas na lagnat, sakit ng ulo at pagtatae.

Marso 3 nang idineklara ang typhoid outbreak sa nasabing lugar subalit nilinaw ng lokal na pamahalaan ng Tuburan na hindi pa nagdedeklara ng state of calamity.

Hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng DOH, local health unit at lokal na pamahalaan sa nasabing insidente at isinasaayos na ang pinagkukunan ng inuming tubig matapos na rin magpositibo ang tatlong water samples sa fecal coliform o presensya ng dumi ng tao.

Tiniyak na rin naman ni Dr. Eric Tayag, director ng DOH-National Epidemiology Center (NEC), na patuloy ang ginagawa nilang monitoring sa sitwasyon sa Tuburan, Cebu.

Namamahagi na rin umano ang pamahalaan ng libreng gamot sa mga apektadong residente kabilang na pagbibigay ng residual chlorine test kit at pagsasagawa ng regular water bacteriological analysis ng lahat ng water sources sa lalawigan upang makumpirma kung positibo ito sa fecal coliform sa water supply.

Ayon kay Tayag, nakikipag-ugnayan na rin ang ahensya sa local government units para magkaroon ng closed system na panggagalingan ng tubig upang masiguro na hindi ito makokontamina, pagkukumpuni sa mga distribution pipes at pagbibigay impormasyon sa mga residente ukol sa environmental sanitation.

Payo pa ni Tayag sa publiko, ugaliing magpakulo ng inuming tubig upang makaiwas sa anumang karamdaman.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply