DOH UPDATE: 4 na patay sa 924 biktima ng tipos

INIULAT ng Department of Health na umakyat na sa apat ang namamatay dahil sa typhoid outbreak sa Tuburan, Cebu.

Sa pinakahuling bulletin na ipinalabas ng DOH, isang 7-anyos na babae ang pinakahuling naitalang biktima ng sakit na mula sa Barangay Cogon.

Samantala, lumobo na rin sa 924 ang bilang ng mga dinapuan ng naturang sakit, matapos madagdagan ng 254 kaso ang 670 biktima na unang naitala noong Linggo.

Bukod sa 7-anyos na babae, kabilang sa nasawi sa sakit ang 22-anyos na lalaki na residente ng Poblacion, isang 23-anyos na babae na residente ng Barangay Maghan-ay at 35-anyos na babae mula sa Barangay Kagbao.

Karamihan sa mga biktima ay uminom ng tubig mula sa local water works at lubos na naapektuhan ang Barangay Poblacion 1-8 gayundin ang Barangay Cogon.

Anang DOH, ang mga biktima ay nakaranas ng panghihina, mataas na lagnat, sakit ng ulo at pagtatae.

Nabatid na Marso 3 nang idineklara ang typhoid outbreak sa nasabing lugar subalit nilinaw ng lokal na pamahalaan ng Tuburan na hindi pa nagdedeklara ng state of calamity.

Hanggang ngayo’y patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng DOH, local health unit at lokal na pamahalaan sa nasabing insidente at isinasaayos na ang pinagkukunan ng inuming tubig matapos na magpositibo ang tatlong water samples sa fecal coliform.

Tiniyak din ni Dr. Eric Tayag, director ng DOH-National Epidemiology Center, na patuloy ang ginagawa nilang monitoring sa sitwasyon sa Tuburan, Cebu.

Namamahagi na rin ang pamahalaan ng libreng gamot sa mga apektadong residente kabilang na pagbibigay ng residual chlorine test kit at pagsasagawa ng regular water bacteriological analysis ng lahat ng water sources sa lalawigan upang makumpirma kung positibo ito sa fecal coliform o presensya ng dumi ng tao sa water supply.

Ayon kay Tayag, nakikipag-ugnayan na rin ang ahensya sa local government units para magkaroon ng closed system na panggagalingan ng tubig upang masiguro na hindi ito makokontamina, pagkukumpuni sa distribution pipes at pagbibigay impormasyon sa mga residente ukol sa environmental sanitation.

Payo pa ni Tayag sa publiko na ugaliing magpakulo ng inuming tubig upang makaiwas sa anomang karamdaman.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply