Dominguez ambush pinasisiyasat ni Robredo

INIUTOS na kaninang umaga (Marso 15) ni Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo ang mas malalim na imbestigasyon hinggil sa pagtatangka sa buhay ng magkapatid na carjack gang leaders na sina Raymond at Roger Dominguez.

Mismong si Philippine National Police (PNP) chief Director General Nicanor Bartolome ang inatasan ni Robredo.

Inatasan din ni Robredo si Bureau of Jail Management and Penology Jail Director Rosendo Dial na pagbutihan ang seguridad at magdagdag ng jail escorts kapag ibinabiyahe ang mga high-profile inmate.

Sinabi ni Robredo na busisiin ni Dial ang ulat ng mga jail guard na nakatalagang magbantay sa magkapatid na Dominguez, na walang nakuhang detalye sa motorsiklong ginamit sa ambush at maging sa mga suspek.

Ang magkapatid na Dominguez ay nagmula sa isang court hearing sa Quezon City Hall of Justice sa kasong car theft with homicide kaugnay sa pagpatay kay Venson Evangelista nang tambangan sa Eastwood sa Libis Q.C dakong alas 3:10 ng hapon noong Martes.

Natapyas ang kanang tainga ni Raymond habang hindi naman tinamaan si Roger.

Isa pang preso na hindi nakuha ang pangalan ang nasugatan sa naturang ambush.

Nabatid pa kay Robredo na tinitignan na rin ng pulisya ang posiblidad na ang pagtatangka sa buhay nina Raymond at Roger ay ikinasa ng mga kasabwat ng magkapatid sa carjacking syndicate.

“We are probing all angles, but as of this time, we do not want to jump to conclusions. We will allow the police to check all possible leads and wrap up their investigation,” dagdag pa nito.

Kinondena naman ni Arsenio Evangelista, ang tatay ng napatay na si Venson, ang pag-atake sa Dominguez brothers. Agad ding itinanggi niya na siya ang may pakana nito.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply