Droga sa Tandang Sora (2)

ITULOY natin ang pagtalakay ukol sa problema sa droga sa Tandang Sora, Quezon City at ang ginagawa ng mga pulis dito.

Kapag naaresto ang isang suspek sa droga, hindi na nadadala sa presinto ang nahuli at sa halip ay sa lugar pa lang nababangketa na o naaareglo na ang kaso kapalit ng malaking halaga.

Dalawa lang naman ang pupuntahan ng kaso – masasampahan o maaareglo.

Upang hindi makasuhan ng violation of Republic Act 9165 o kilala bilang Dangerous Drug Act lalo na ng Section 5 o pagbebenta ng droga, marami ang pinipiling sumuka na lang
ng pera kaysa masampahan ng asunto.

Pero minsan, may mga pulis na pinangangakuan ang pamilya ng kanilang huli na ang isasampang kaso ay section 11 lang o tinatawag na onse.

Subalit kapag nakuha na ang pera ay inoonse na nila.

Ibig sabihin, kakasuhan pa rin nila ng pagbebenta kahit nagbigay na ng pera at kadalasan ang resulta kapag isinampa ang kaso sa piskalya ay walang piyansang inirerekomenda ang piskal.

Ilang beses na ring may napatay na pulis at asset sa Muslim Compound ng Culiat dahil
na rin sa kasong droga.

Hindi pa rin nabibigyang-katarungan ang pagkamatay ng mga ito kahit nasa lugar lang
ang mga suspek.

Bukod dito, napakarami ring wanted ang nagtatago rito na hindi nahuhuli.

May press release ang mga pulis na sinona o sinuyod nila ang lugar at nakahuli ng
ilang suspek.

Pero ang totoo, kahit isang istasyong pulis ang magsona sa nasabing lugar ay hindi kakayanin.

Kaya upang mabigyang babala ang mga tulak at adik sa lugar, magandang suyurin ng mga istasyon at pinagsama-samang units ng buong Quezon City Police District ang Muslim Compound ng Culiat upang sa gayon ay mabawasan kung hindi man maubos ang mga salot sa lipunan.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply