Engineers, computer scientist kailangan sa Germany

DAHIL sa tumatanda na ang populasyon sa Germany, nangangailangan ang Berlin ng Pilipinong engineers at computer scientists ayon sa delegasyon ng mga negosyateng Aleman at diplomatiko.

Sa kanilang pakikipagpulong kay Vice President Jejomar Binay, sinabi ni Philippine Ambassador to Berlin Maria Cleofe R. Natividad, tumayong hepe ng delegasyon, na handa ang mga negosyanteng Aleman na kumuha sa Pilipinas ng mga inhinyero at computer scientist upang mamahala sa industriya sa Germany.

Sinabi naman ni Binay na handa ang pamahalaan na ibigay ang pangangailangan ng mga dayuhang negosyante na makatutulong upang mabigyan ng bagong trabaho ang mga Pilipino sa Germany.

Ayon pa sa bise presidente, naipakita naman ng pamahalaang Aleman na pinangangalagaan nito ang kapakanan ng mga dayuhang manggagawa kaya wala silang nakikitang problema upang hindi maisakatuparan sa hinaharap.

Pinasalamatan din ng delegasyon si Binay sa ginawa nitong pakikipag-ugnayan upang bawiin na ang kautusan ng Pilipinas na nagbabawal magpadala ng mga Pilipino sa ilalim ng programang ‘Au Pairs.’

Anila, makatutulong ang pagpapadala ng mga Pinoy ‘Au Pairs’ sa Germany upang mapalago ang kultura ng dalawang bansa at mapalakas ang relasyon ng Pilipinas at Germany.

Umaasa rin ang delegasyon na makatutulong sa paglago ng direktang pamumuhunan mula sa Germany ang pagresolba sa usapin hinggil sa Fraport-Ninoy Aquino International Airport Terminal 3.

Sinabi naman ni Binay na sa kabila ng kontrobersiya, hindi naman naging sagabal ito sa patuloy na relasyon ng Pilipinas at Germany.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply